Default Thumbnail

Bulakenyo wagi sa 6/55 lotto, tumaya para sa kapatid na maysakit

October 4, 2022 People's Tonight 267 views

ITINUTURING ng masuwerteng bettor ng Hagonoy, Bulacan ang kanyang pagkapanalo ng grand lotto 6/55 noong Sabado, Oktubre 1, 2022, na bilang isang biyaya mula sa Diyos dahil sa saktong kailangan nito ng pampagamot sa kanyang kapatid na may sakit sa puso.

Isa ang ginang sa masuwerteng nanalo ng grand lotto 6/55 noong Sabado na may winning combination na 09-45-36-27-18-54 at may jackpot prize na P236,091,188.40, na paghahatian ng 433 na katao.

Mangiyak-ngiyak na nagkuwento ang lucky winner sa mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), aniya naglakas loob lang siyang tumaya dahil sa pangangailangan nito ng pampa-opera sa kanyang kapatid na may sakit sa puso.

“Ako po at taga-Hagonoy, Bulacan… nag-ano lamang po ako ng chance na manalo dahil gagamitin ko po dun sa kapatid ko na gustong maoperahan sa Philippine Heart Center,” kuwento ng finang na taga-Hagonoy.

“Kaya po nagpapasalamat ako, una, kay Lord dahil binigyan kami ng pagkakataon na manalo para po na mapaoperahan ko yung kapatid ko at nagpapasalamat din po kami sa PCSO na isa kami sa mapalad na nanalo,” dagdag pa ng Ginang.

Naniniwala naman ang masuwerteng bettor na walang nangyaring “dayaan” bagkus ito ay ipinagkaloob ng Diyos sa 433 lucky winners’ ng grand lotto 6/55.

Dagdag pa niya, dating hindi siya naniniwala sa lotto pero dahil sa pangangailangan ay sumubok ito at umaasa na maipagkaloob sa kanya ng Diyos na hindi naman siya binigo.

“Alam ko na ‘di ito pandaraya, talagang pinagkaloob lang talaga ng Diyos sa atin, sa amin na mabigyan kami ng pagkakataon, napakalaking bagay po ito na pinagpala po tayo ng Panginoong Diyos,” saad ng masuwerteng lotto winner.

“Ito po ay totoo, maski ako sa una hindi ako tumataya, nito lamang po ako sumubok na dalawang taya po ako dahil nagbabakasakali po ako na mapagkalooban ako ng Panginoon Diyos at pagpalain ako na manalo, totoo po itong nangyari sa amin,” dagdag pa ng masuwerteng winner.

Personal namang inaabot ni PCSO General Manager Melquiades Robles sa ginang ang tsekeng napanalunan nito na masaya namang tinanggap ito ng lucky winner at lubos na pagpapasalamat sa buong pamunuan ng PCSO.

AUTHOR PROFILE