Default Thumbnail

Bulacan Gov. Fernando wala pang sinusuportahang prexy bet

March 12, 2022 People's Tonight 233 views

TALIWAS sa naunang pahayag ng kampo ni Bise Presidente Leni Robredo, wala pang pormal na ineendorso si Bulacan Governor Daniel Fernando kung sino ang tunay na susuportahan nito sa pagkapangulo sa darating na May 9, 2022 elections.

Ayon kay Fernando, pag-uusapan pa ng kanilang partido kung sino talaga ang kanilang susuportahan at posibleng ihayag ito bago o matapos ang Marso 25, ang unang araw na umpisa ng kampanya para naman sa lokal na halalan.

Kamakailan, naging laman ng balita ang diumano’y hayagang pagsuporta ni Fernando kay Robredo nang dumalaw ito sa kanilang lalawigan.

Tinawag pa nitong pangulo si Robredo nang ipakilala sa entablado.

Magkagayunman, nilinaw ni Fernando na lahat ng kandidato sa national o local positions man ay tinatawag niya base sa kung anong posisyon ang kanilang tinatakbuhan.

“Sa Bulacan naman kasi… kamukha niyan, tinawag ko ang mga bokal ko na ‘bokal kasi iyon ang tinatakbo nila. Iyong kapitan naman namin tinatawag kong ‘konsehal’ kasi tumatakbo na siyang konsehal ngayon,” ani Fernando sa isang panayam.

Nang tanungin kung posible ba na ang nangungunang presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanyang tunay na susuportahan, ang sagot nito ay: “Malalaman natin iyan before or after March 25.”

Sinabi ng opisyal na anumang pahayag na kanyang gagawin patungkol sa susuportahang kandidato ay isasangguni muna niya sa kanilang partido. “Tahimik muna ako at hindi muna ako magko-komento,” sabi pa ng opisyal.

Si Fernando ay miyembro ng National Unity Party (NUP) kung saan karamihan sa mga kasamahan at kapwa nito gobernador ay hayagan nang nagdedeklara ng suporta kay Marcos. Ilan sa kanila ay sina Abra Gob. Maria Jocelyn Bernos, Cavite Gob. Jonvic Remulla, at Tawi-Tawi Gob. Yshmael Sali.

Inamin ni Fernando na malapit niyang kaibigan si Senadora Imee Marcos dahil noong dekada ‘80 ay naging chairman din siya ng Kabataang Barangay (KB).

“Kami iyong pangalawang batch ng KB at kaibigan ko talaga si Senadora Imee,” anang dating aktor na pulitiko na ngayon.

Si Fernando ay tumatakbo uli ngayon bilang gobernador ng Bulacan at ang makakalaban nito ay si Vice-Governor Willy Sy-Alvarado na nauna nang nagpahayag ng suporta kay Marcos.

AUTHOR PROFILE