Buksan ang maaaring buksan

October 15, 2021 Paul M. Gutierrez 78 views

PaulINANUNSIYO ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagbubukas muli ng mga sinehan kasabay ng pagluluwag ng restriksiyon partikular sa Metro Manila.

May natuwa at siyempre may nagtaas ng kilay sa hakbang na ito.

Madali namang maunawaan ang mga nangangamba sa muling pagbubukas ng mga sinehan.

Sinasabi pa ng iba na bubuksan ang mga sinehan pero sarado ang eskwelahan.

Syempre tama nga naman na maaaring tumaas muli ang bilang ng mga magpopositibo sa COVID-19.

Pero sa ganang atin, bakit hindi pwedeng buksan ang mga sinehan kung nabubuksan ang ibang mga negosyo na in-door din naman?

Bakit bukas din ang mga fast food chains, mga coffee shops at iba pa? Dahil hindi essential? Bakit pipilitin bang pumasok sa mga sinehan ang mga tao?

Alam naman natin ang panganib ng covid-19, pero uulitin natin na hindi kailangan makulong ang buhay natin sa takot.

Kailangan nating mabuhay nang nag-iingat. Sumunod sa mga health protocols at magpabakuna.

Hindi naman bubuksan ang mga iyan para ‘patayin’ ang ating mga kababayan.

Bubuksan yan gaya ng mga iba pang mga negosyo na may restriksyon, pagsunod sa mga health protocols para masiguro o mabawasan ang posibilidad na mahawahan ng nasabing sakit.

Bubuksan ang mga iyan para makapagtrabaho ang mga tao, may mapakain sa pamilya, at may maitulong sa ekonomiya.

Alam natin na isinasaalang-alang din ng gobyerno ang kaligtasan ng publiko at pinapangalagaan ang ating mga health workers na talaga namang hirap na hirap mula nang dumating itong pandemya.

Nasa kanila ang pagsaludo at respeto ngayong pandemya.

Pero kung hindi natin bibigyan ng pagkakataon ang mga negosyo gaya ng mga sinehan at iba pa, mahihirapan, magugutom ang ating mga kababayan.

Mahihirapan lalo ang ating ekonomiya. lalo na at magpa-Pasko.

Kung kaya nang buksan ang mga eskwelahan, magandang mabuksan din ang mga ito.

Alam nating hindi na rin nagiging mabuti sa mga bata ang matagal na wala sa mga paaralan.

Tulad nang nasabi na natin noong una, malaki na rin ang nagiging epekto sa kanilang mental at physical well being ang pandemyang ito.

Nagluluwag tayo hindi para paramihin ang may mga sakit. Nagluluwag tayo para mabuhay din ang marami.

Lalo na ngayon na may natutunan na tayo sa pagharap ng pandemya at patuloy ang pagdating ng mga bakuna. Kahit paano natututo na tayong mabuhay na naririyan ang COVID-19 sa buhay natin.

Huwag nating ikulong ang sarili natin sa takot at lalo tayong walang mararating. Mabuhay tayo nang nag-iingat.

AUTHOR PROFILE