Buko vendor ginawang buko ulo ng lolo, biniyak!

June 9, 2021 Edd Reyes 229 views

PINAGTATAGA sa ulo at katawan ng isang 72-anyos na buko vendor ang kanyang may edad na ring kapitbahay matapos ang mainitan nilang pagtatalo Martes ng gabi sa Malabon City.

Isinugod kaagad ng kanyang kapatid na babae ang biktimang si Marcelino Austria, 63, ng 123-31 Dulong Bronze St., Brgy. Tugatog sa Tondo Medical Center kung saan siya nilapatan kaagad ng pang-unang lunas sa mga tinamong taga sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Eduardo Aguilar, biyudo, sa kanyang tirahan na kadikit lamang ng bahay ng biktima.

Sa kanilang ulat kay Col. Barot, sinabi nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Ernie Baroy ng homicide section ng Malabon police na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa kaugnay sa kinukumpuning bahay ni Aguilar na umano’y nakakaistorbo sa pamilya ni Austria dakong alas-7:40 ng gabi sa tapat ng bahay ng suspek.

Sa gitna ng pagtatalo, kinuha ng suspek ang kanyang itak na ginagamit na pambiyak sa ibinebentang buko at kaagad itinaga sa ulo at katawan ng biktima.

Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station ang biktima na naging dahilan ng pagkakadakip sa suspek at pagkakumpiska sa ginamit niyang itak.

AUTHOR PROFILE