Buhusan ng bakuna ang NCR bubble

May 21, 2021 Allan L. Encarnacion 198 views

KUNG talagang gusto nating mapabilis ang target nating herd immunity o 70% ng populasyon, simulan na natin ang pagtuturok ng bakuna sa masang Pilipino.

Kapag sinabi nating masa, hindi kasama dyan ang mga taga-subdivision, iyong mga supervisor, iyong mga manager or iyong mga may sinasabi sa lipunan.

Sa tingin ko, tama iyong priority sa listahan ang mga frontliners o mga health workers dahil sila talaga ang kailangang protektado agad.

Ang maganda sanang isunod ay ang mga work force sa lahat ng opisina, sa lahat ng pabrika, mga service crew ng restaurant sa lahat ng mga nagtatrabaho sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno at pribado, kasama na ang mall employees.

Pero dapat, ang kasama sa top priority ay ang mga tindera sa palengke, mga nagtitinda sa bangketa, mga public transport drivers, mga nasa slums, kasama na ang mga tambay at mga nasa slums area. Ito talaga ang totoong masa na magpapalakas ng immunity ng bansa, lalo na ng Metro Manila.

Nagkamali tayo ng priority sa hindi pagsama sa kanila sa unang naturukan dahil sa totoo lang, sila iyong madalas sa labas, sila iyong talagang kahit anong sabihin mong bawal lumabas ay kailangan nilang lumabas para maghanapbuhay. Sila rin iyong magkakadikit ang bahay, sila rin iyong marami sa loob ng bahay. Kapag nabakunahan natin sila, mas magiging malawak ang proteksiyon ng highly populated areas.

Tama rin ang mga suggestion na ipokus muna ang bakuna sa Metro Manila kasunod ang mga nasa bubble gaya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna dahil sa mga ito nagmumula ang bulto ng ekonomiya ng bansa. Aabot sa 62 haggang 68% ng Gross Domestic Product ng buong bansa ay nagmumula sa NCR bubble.

Ang pagtatamo ng maagang herd immunity ng NCR bubble ay huhudyat para mabuksan ang lahat ng industriya. Habang paparating pa lang ang bulto ng bakuna, kailangang magdesisyon na ang IATF na ibuhos dito sa NCR bubble ang vacine supply at iyong iba naman ay ilaan sa mga nasa labas nito na may malaking COVID cases.

Kailangan na nating makabalik sa normal dahil marami nang kababayan natin ang hindi na halos kumakain. Sa halip na pinalalakas natin ang ayuda at pagpapalawak ng community pantry, buhusan na natin ng bakuna ang NCR bubble.

Kapag nagawa natin ito, mas marami na ang makakapagtrabaho at mailalaan pa natin ang ibang pondo ng gobyerno sa ibang programa na sasagip sa naghihikahos nating ekonomiya.

allanpunglo@gmail.com