Buhay pinantubos sa sangla

July 26, 2021 Edd Reyes 105 views

MISTULANG nagsilbing pantubos ang buhay ng isang construction worker matapos itong barilin ng lalaking nagsanla sa kanya ng bisikleta Linggo ng gabi sa Malabon City.

Nasawi kaagad ang biktimang si Jesus Mancio, Jr., 49, ng Blk 12C Lot 15 Hiyas St., Bgy Longos sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang mabilis namang tumakas ang suspek na si Edgar Garcia, residente ng Blk 48, Lapu-Lapu St., Bgy. Longos.

Sa nakarating na ulat kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, naganap ang insidente ng pamamaril sa kanto ng Kuyog Alley at Lapu-Lapu St. dakong alas-11 ng gabi matapos umanong magkaroon ng pagtatalo ang dalawa.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/SSgt. Mardelio Osting na isinanla noong nakaraang linggo ng suspek ang kanyang bisikleta sa biktima sa hindi nabatid na halaga.

Nang ipatawag ng suspek at biktima upang tubusin ang isinanlang bisikleta, nagkaroon ng argumento ang dalawa na hinihinalang may kinalaman sa halaga ng babayaran hanggang makarinig na lamang ng sunod-sunod na putok ang mga naninirahan sa lugar.

Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang apat na basyo ng bala ng kalibre .9mm sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril habang isasailalim naman sa autopsiya ang labi ng biktima.

Ayon kay Col. Barot, nagsasagawa na ng pagtugis ang mga tauhan ng Follow-Up Unit upang madakip ang suspek.

AUTHOR PROFILE