Buhay pa rin ang Kuratong Baleleng

June 30, 2022 Marlon Purification 154 views

Marlon PurificationPORMAL nang nanumpa bilang ika-17 presidente ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.,

Ang makasaysayang ‘inagural’ ay isinagawa ngayong Huwebes ng umaga na isang hudyat para sa inaasam na pag-asa ng sambayanang Pilipino.

Congratulations po, Pangulong BBM!

***

Sa pag-upo ni PBBM, asahan ang maraming problemang kakaharapin ng bagong administrasyon. Una ang inflation rate, matinding kahirapan, patuloy na pananalanta ng COVID-19, ang patuloy na pagsirit ng presyo ng langis, smuggling, iba’t ibang uri ng krimen at marami pang iba.

Sa puntong ito ay hayaan n’yo muna akong pasadahan ang isyu ng kriminalidad, partikular na ang pagbuhay uli sa Kuratong Baleleng.

Kung matatandaan, mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na buhay pa rin ang notorious na Kuratong Baleleng Gang.

Katunayan, isang mapagkakatiwalaang source ang nagsabi sa atin na hindi pa man nakakaupo sa Malakanyang si PBBM ay ipinagmamalaki na isang opisyal na protector o namumuno nito na ‘untouchable’ sila.

Naniniwala tayong ang pagyayabang na ito ng isang dating PNP official ay paraan lamang niya upang magdalawang isip ang ilang mangangahas para supilin ang kanilang illegal na aktibidades.

Naniniwala tayong hindi ito sasantuhin ng Marcos administrasyon dahil isa sa pangako ni PBBM ay kalusin ang masasamang loob ng lipunan.

Para sa kaalaman ng lahat, ang bagong Kuratong Baleleng Gang ay naghahari-harian na sa Misamis Occidental. Tinangka pang maghasik ng lagim ng mga ito sa Ozamis City, ngunit hindi sila nagtagumpay dahil sa kampanya ng lokal na pamahalaan sa giyera kontra droga.

Kalat na kalat ang balitang si dating PNP official ang lider din ng tinatawag na Kuratong Cops.

Ang isa sa ipinagyayabang ng naturang opisyal na mahirap nating paniwalaan ay malakas daw siya kya Senador Bato dela Rosa at dating PNP chief Dionardo Carlos.

Nabatid na inireklamo rin ang naturang lider sa Commission on Elections (Comelec) dahil sa panghaha-harass na ginawa nito noong nakalipas na kampanya.

Ngayong may bago nang administrasyon, asahan ang mga dating ‘naghaharing uri’ na illegal ay mawawala na!

Lalo pa’t ang papasok na bagong PNP chief daw ay si Lt. Gen. Rodolfo ‘Jun’ Azurin.

Si Azurin, miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) class of 1989 ay nakita sa BBM Headquarters sa Mandaluyong noong nagdaang Martes.

Kasama ng mga BBM staffs, si Gen. Azurin ay nagpakuha ng RT-PCR na ‘requirements’ ng Presidential Security Guard (PSG) para sa inagurasyon.

At alam n’yo na marahil kung bakit sa dami-rami ng magpapa-RT-PCR sa BBM headquarters ay si Gen. Azurin pa!

Naniniwala tayong matatapos din ang araw ng dating police official na pasimuno ng Kuratong Baleleng Gang ngayon!