Default Thumbnail

Buhay na naman ang mga ‘doom-sayers’

May 20, 2022 Allan L. Encarnacion 309 views

Allan EncarnacionPAGALA-GALA na naman ang mga taong gusto ng magulong bansa.

Para na naman silang natubigang palaka sa saya. Nabuhay na naman sila para magkalat ng lagim at sakmalin ng takot ang ating mga kababayan. Mas magagaling pa sila kay Nostradamus sa paghula ng mga magaganap dahil sa pagkapanalo ni BBM.

May ilang grupong nagsasabi ng pagbabalik ang dictaturya, may mga nagsasabing nasa peligro ang industriya ng pamamahayag, may mga nangunguna pang nang-aakusa ng nakawan sa pamahalaan.

May mga nagsasabi pa ng mag-aalisan ang mga investors, babagsak ang ekonomiya at maraming magma-migrate sa ibang bansa.

Ang tanong, kailan naman kaya aalis sa ating bayan ang mga tao na ang libangan ay guluhin ang bansa?

Ang mga ganitong doom-sayers ang dapat pinapalayas nating mga Pilipino dahil ang pagpapakalat nila ng mga negatibong pahayag ay hindi nakakabuti para sa lahat. Ang totoo, mga pansariling interest lamang ang layunin ng mga ito na ikinukubli sa himig ng malasakit.

Iyong mga bolang kristal na hawak nila ang dapat hinahataw sa kanilang mga ulo para magising sa katotohanang wala silang buti na naidudulot sa ating bayan.

Paano nasisikumura ng mga taong ito ang maglabas ng mga pahayag na ang tanging batayan ay kathang-isip mula sa kanilang malabnaw na pananaw?

Sa halip na magbigay ng kapanatagan at magsilbing tulay sa kaayusan, sila pa iyong nagsisindi ng banta ng kaguluhan. Ang malungkot dito, sila pang mga edukado ang umaastang Marites at Marisol. Okey lang sana kung iyong mga nag-inumang tambay sa Payatas at mga nagkukutuhan sa Tondo ang naglalabas ng mga espekulasyon kasi mas madali natin silang maunawaan.

Ewan ko ba sa mga taong ito, mukhang inspirado sila kapag tinatakot nila ang mga mamamayan sa kanilang mga kahibangan.

***

Congratulations sa mga naiproklamang mga bagong senador.

Ang susunod na labanan naman ay ang pagiging Senate President. Sa kongreso, klaro na si dating Majority Floorleader Martin Romualdez na ang magiging Speaker of the House matapos magpahiwatig ng suporta sa kanya ang super majority.

Kunsabagay, tested na si Romualdez bilang consensus builder at magaling na tagapamagitan sa lahat ng mga mambabatas sa lower chamber.

Sa Senado,interesadong maging Pangulo sina Senators Cynthia Villar at Migs Zubiri kaya nagsisimula na ang gapangan. 13 or mahigit pa ang kailangang makuha ng magiging SP.

Hindi pa malinaw kung kasama rin sa mga gustong maging SP si Senador Alan Peter Cayetano bagama’t may naririnig tayo may sarili rin itong puwersa sa Senado. Balik-senado si Sen Aan Peter at naging House Speaker din kaya armaddo rin ito ng matinding credentials para maging SP.

Kung sino man ang maging SP, mahalagang mapanatili ang independence ng Senado na naging tradisyon na sa mahabang panahon.

Good luck sa ating mga Senador.

[email protected]