Lacson

Buhay-mahirap aangat kapag 4Ps pinahusay

March 30, 2022 People's Tonight 207 views

HINDI lang pantawid-gutom kundi programang 4Ps para iangat ang kabuhayan ng mga pinakamahihirap sa bansa upang makamit nila ang tinatamasa ng mga higit na nakakaluwang sa buhay.

Ito ang inihaing polisiya ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga residente ng Lungsod ng Zamboanga nitong Miyerkules, Marso 30, sa pagdalaw nila ng kanyang ka-tandem na si Senate President Tito Sotto doon kasama si senatoriable Manny Piñol.

Sina Lacson at Sotto ay nagsalita sa Southern City Colleges-West Campus sa San Jose Gusu sa nabanggit na lungsod kung saan kanilang inialok sa mga residenteng dumalo ang mas pinahusay na Pantawid Pamilyang Pilipino Program 4Ps.

Banggit ni Lacson, pipihitin nila nang bahagya ang umiiral na panuntunan ng 4Ps na nakatuon lamang sa kasalukuyan sa pagbibigay ng dagliang ayuda upang maitawid ng benipisyaryong pamilya ang kanilang pangkain sa maghapon sa loob ng partikular na panahon.

“Itu-tweak namin ‘yon 4Ps, i-improve namin ‘yon. Hindi natin tatawaging 4Ps, pantawid pamilya, kundi ‘pang-ahon.’ Kasi kailangan makaahon sa kahirapan, hindi ‘yung tatawid ka lamang na makakain nang tatlong beses sa isang araw,” paliwanag ni Lacson.

Bukod dito, inihayag din Lacson na layon niyang isaayos ang 16 na iba pang programang nakakabit sa 4Ps na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) nang hindi napipingasan ang bahagi ng mga benepisyo para sa mga mahihirap.

Sa pamamagitan nito, sinabi ni Lacson na mas magkakaroon ng pagkakataon ang pamahalaan na latagan pa ng karagdagang pondo ang ayudang pinansyal na dapat ay ipinagkakaloob sa mga pinakamahihirap na mamamayan ng bansa, sa halip na ipasuweldo sa ibang mga opisyal ng mga programang halos kaparehong proyekto din naman ang ipinapatupad.

“Gawin na lang natin hangga’t maaari isa, dalawa, tatlo—nakatipid pa tayo sa overhead expenses. Sa halip na mapunta sa suweldo, mapunta na lang sa mga mahihirap, hindi po ba dapat ‘yon… Common sense. Ang problema, marami sa gobyerno, walang common sense,” mungkahi ni Lacson.

Ayon pa kay Lacson, lahat ng detalye ng mga pagbabagong ito ay nakapaloob sa kanyang flagship Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program, na naglalayong direktang buhusan ng pondo ng gobyerno ang mga lokal na pamahalaan at hayaang ang mga ito ay magamit sa pinaka-kinakailangan at tugmang mga proyekto sa kanilang lugar.

“Kapag naimplementa ‘yung BRAVE, mawawala ‘yung urban poor, pupunta kayo sa ruraldahil may livelihood. Kaya maraming urban poor kasi walang opportunities sa mga rural area… Umaasa kayo magkakaroon kayo ng mga job opportunities sa mga highly urbanized cities, ‘di ba?” banggit ni Lacson.

“E kung baligtarin natin ngayon, bottom-up, hindi na kayo pupunta sa urban para maging urban poor. Doon kayo sa rural pero hindi poor, rural rich. ‘Di ba, dapat ganoon ang ating kalakaran sa gobyerno?” dagdag pa ng presidential candidate.

Ang BRAVE ay halos kapareho ng planong pederalismo na iminungkahi noon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit sa panukala ni Lacson ay matatamo ang hangad nitong pagpapaunlad sa mga kanayunan nang hindi kinakailangang kalikutin ang Saligang Batas.

AUTHOR PROFILE