Default Thumbnail

Buhay-hari, pantasyang monarkiya

September 12, 2022 Allan L. Encarnacion 563 views

Allan EncarnacionHINDI pa tayo nakakita ng totoong hari.

Naka-type cast sa mga napapanood natin na iyong hari ay pinaliliguan ng mga dama, sinusubuan ng ubas at binibihisan mula mulo ulo hanggang paa.

Noong bata pa ako gustung-gusto kong maging hari kasi nga nakakainggit na may tagapagligo kang mga sexy na naggagandahang kababaihan, may malaking pamaypay na bumubugaw ng langaw sa iyong kinakain at sa tuwing bababa ka lang ng isang baytang, may nakaalalay agad sa iyo.

Tapos papasok o lalabas ka lang sa pintuan, dalawang malaking-malaking gate na gawa pa ata sa bakal at kamagong ay pagtutulungang buksan ng mga kawal para lang makadaan ka. Pag labas mo sa higanteng gate, nakahanda na ang karwahe na may tatlo hanggang limang kabayong mola na hahahatak sa kinasasakyan mong balot sa lantay na ginto.

Tapos sa salita ng hari nakasalalay ang magiging sitwasyon ng buong kaharian, siya ang magdedesisyon kung sino ang magiging alipin at kung sino ang magiging malaya.

Siya ang magpapasya kung sino ang dapat mamatay at kung sino ang dapat mabuhay.

Ang huling kaharian na napasok ko ay ang ekta-ektaryang Forbidden City sa Beijing na bahay ng Emperor of China. Siyempre wala naman ang hari noong pumasok ako kasi parte lang ng tour iyon at nagamit ang kingdom na iyon mula Ming Dynasty hanggang Qing Dynasty.

Tipikal na hari ang salbahe na ating nakikita sa mga kathang isip na palabas at madalang iyong pinagaganap nilang hari na tototoong mabait at nagmamalasakit sa kanyang kaharian. Isipin nyo mga hari sa panahon ng mga Vikings na puro barbaric.

Bukod sa totoong buhay na Prince Bolkiah ng Brunei, King Maja Vajiranglongkom at yumaong King Bumhibol ng Thailand, ang idea ng monarokiya na nasa isip natin ay ang Inglatera sa katauhan ni Queen Elizabeth II.

Nagbago lang ang isipan natin na puwede palang mabait ang lider sa kaharian sa tuwing nakikita nating ang simpatika at palaging smiling face na si Madame Reyna Elizabeth. Siya kasi ang most visible majestic figure na palaging nasa mga balita sa maraming dekada.

Hindi nga lang tayo nagkaroon ng tiyansa na makita ang actual ng mga hari at reyna kaya nakasara ang ating isip na kapag nasa kaharian, isang grandiosong paligid at pamumuhay ang ating idea.

Hindi nga natin alam kung totoo ang mga nasa kuwento na ginto ang inidoro ni Prince Bolkiah at ng hari ng Saudi Arabia.

Sa pagpanaw ng Reyna ng Inglatera, uupo sa trono ang anak na si Prince Charles bilang bagong hari. Isa na namang bagong hari na wala tayong idea kung paano ang pamumuhay.

Nakakatuwa lang kasing pag-usapan ang isang senaryong sa pantasya lamang natin nakikita pero mayroon pala sa totoong buhay. Tiyak na wala namang kaibahan ang ginagawa ng hari at ng isang common tao.

Kung matulog ang hari at reyna, tiyak na nakahiga at nakapikit na tulad din ng commoner. Sabi nga, kapag nagkukubeta ang karaniwang tao, nagkukubeta rin naman silang mga nasa monarkiya. Iyong inidorong ginto na ginagamit ng mga nasa kaharian ay umaamoy din kapag nakargahan gaya ng kasilyas sa barrio na tinabingan lang ng yero at sawali.

Pero marami rin ang nagsasabi na mahirap kumilos at mabuhay na may korona sa ulo. Sabi nga ni William Shakespeare: “Heavy is the head that wears crown.” Kaya nga inalis ko na sa isip ko ang maging hari pa kasi nga mabigat ang korona!

Makuntento na tayo sa pagiging hari ng ating mga sarili, pagsilbihan nang maayos ang iyong tahanan na kaharian para sa iyong pamilya at tiyaking magkakaroon sila ng magandang buhay para hindi sila maging miserable kapag natodas ka na.

Pero sa tototoo lang, palagi kong ipinagyayabang kahit saang inuman na ako ang hari ng aming bahay. Natatalo lang ako sa aking misis kasi siya raw ang alas!

[email protected]