BARMM

Budget, pagpaliban ng BARMM elections pag-uusapan sa Senado

November 3, 2024 PS Jun M. Sarmiento 167 views

MALAKING tanong sa mga senador sa pagbabalik ng sesyon ng Senado kung ipagpapaliban ang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa isang panayam sa DZBB, binigyang-diin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang pangangailangang tugunan ang mga isyu sa representasyon at paggamit ng budget sa rehiyon.

Ang pasiyang pagpapaliban ng BARMM elections bunsod ng desisyon ng Korte Suprema na apektado ang lalawigan ng Sulu na hindi na magiging bahagi ng BARMM base na rin sa desisyon ng Korte Suprema.

“Ang intensyon ay ipagpaliban ang eleksyon…dahil halimbawa, mayroong pito o walong kinatawan ng Sulu sa BARMM parliament. Paano ‘yun, eh hindi na sila bahagi ng BARMM?” paliwanag ni Escudero.

Ang desisyon may epekto sa mga party-list at sektor na nakarehistro sa BARMM parliament kaya’t kinakailangan ang masusing konsultasyon sa mga stakeholders upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon, ayon sa Senate president.

Kinumpirma ni Escudero na may plano siyang ihain ang panukalang batas para sa pagpapaliban ng eleksyon na ilalatag niya sa Nobyembre 4 at pag-uusapan sa isang pagdinig sa Senado sa Huwebes.

“Importanteng magawa yan para mabigyan ng notipikasyon ang ating mga kababayan doon sa BARMM kaugnay ng balakin ng Kongresong ipagpaliban ang election,” aniya.

Binanggit din ni Escudero ang mga isyu kaugnay sa paggamit ng budget ng BARMM kung saan halos 40-50 porsyento lamang ng taunang budget nito ang nagagamit.

“Kung ganyan kababa ang kanilang paggastos, sayang ulit yung fiscal space na ibinibigay sa kanila,” ani Escudero.

Dagdag pa niya, ang mga hindi nagastos na pondo ng BARMM maaaring makatulong sa iba pang mga inisyatiba ng pamahalaan habang sinusuri ang paggastos ng budget ng rehiyon.

“Hindi natin ibinababa o tinatanggal yung pondo pero pwedeng gamitin muna sa iba dahil na nga rin na ayaw nating patuloy tumaas ang ating utang,” ani Escudero.

Hangad ng Senado na maresolba ang mga isyung ito bago matapos ang sesyon sa Nobyembre upang matiyak na bawat piso sa budget mapapakinabangan ng publiko at matugunan ang mga agarang pangangailangan ng bansa.