Maid

Budget ng ‘Maid in Malacañang,’ lumobo

June 25, 2022 Ian F. Fariñas 1369 views

Imee

HINDI pa man nasisimulan ang shooting ng kontrobersyal na pelikulang Maid in Malacañang ng Viva Films, eh, balitang lumobo ang budget nito dahil sa scope ng mga eksenang kukunan ni Direk Darryl Yap.

Sa virtual mediacon kahapon ng movie, kung saan dumalo rin si Sen. Imee Marcos at ang Viva bosses na sina Boss Vic del Rosario at Vincent del Rosario, kinumpirma nila na lumagpas na nga sa original budget ang pelikula.

Pero sabi ni Boss Vic, okay lang ito dahil talagang kinakailangan sa proyekto.

“Alam mo naman si Direk Darryl, spoiled,” biro pa niya, na sinegundahan naman ni Sen. Imee sa pagsasabing, “Spoiled brat ng Viva. ’Yun nga, ’di paawat ’yung budget kasi mala-palasyo lahat, eh.

Ganu’n talaga. Ang mahalaga, maipahiwatig ang kwento na maganda.”

“Pasaway” din daw ang direktor, dugtong ni Sen. Imee, dahil may ilan siyang eksena na ipinatanggal dito.

Samantala, sinagot naman ni Direk Darryl ang bintang ng ilang kampo na ang Maid in Malacañang ay isang “historical revisionism.”

Aniya, “Kung sinuman ang nagsasabi ng historical revisionism, sa palagay ko, hindi kami magkakaintindihan kasi hindi ako marunong magsalita sa lengguwahe ng mga talunan, eh. Hindi ako masyadong well-versed in loser speaking. If there’s nothing to critique pa, I don’t think I can critique na, ’no? It’s like giving judgment to a person you don’t know. Paano ka makakahusga sa isang bagay na hindi pa tapos at paano mo huhusgahan ang isang taong hindi mo pa kilala? I think it’s a loser mentality.”

Para raw mabigyan ng tamang critique ang isang panoorin, isang babasahin o ang isang item ng sining, kailangan muna itong mabuo at magawa.

Sa ngayon, nakatakda pa lang simulan ang shooting ng movie na may July 20 playdate na sa mga sinehan.

Bida rito sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Karla Estrada, Beverly Salviejo, Kiko Estrada, Elizabeth Oropesa, atbp.

Dahil pelikulang pampamilya, ipapakita rito ang relasyon mag-asawa, magkapatid at kung pa’no nagbubuklod ang isang pamilya sa gitna ng krisis.

Sesentro rin ang Maid… sa huling tatlong araw ng Marcoses sa Malacañang base sa mga detalyeng ibinahagi sa produksyon ng isang reliable source.

Para naman kay Boss Vic, “Ang plano ng Viva talaga, eh, maipakita ito hangga’t maaari sa halos lahat ng pwedeng makapanood. So, sa July 20, hopefully, sa lahat ng mga sinehan sa buong Pilipinas, du’n sa mga sinehan din na pwedeng ilabas sa Europe, Canada, Middle East, hong kong, Singapore and then, siyempre, tatakbo ’yan sa iba’t ibang platfom.

Sa ngayon, ang ano muna namin talaga is cinema because magandang manood sa big screen pa rin. Itong pelikulang ito, eh, pang-big screen. Hindi ito pang-maliitan. So, we hope, well, Viva hopes it will be the first blockbuster Filipino movie after the pandemic.”

AUTHOR PROFILE