Default Thumbnail

Brusko at pakialemero si suspended NIA Administrator Benny Antiporda

November 30, 2022 Allan L. Encarnacion 827 views

Allan EncarnacionSA tuwing tatawagan ko si suspended NIA Administrator Benny Antiporda ng weekend, nasa gitna siya ng bukid ng Bicol, nasa kabundukan ng Mindanao or nasa mga kagubatan ng Bulacan.

Naroonn siya’t kinakausap ang mga magsasaka, ang mga tribemen, pinapaayos ang mga nasirang irrigation canal at kinakastigo ang mga pabaya sa NIA provincial offices.

Kapag may kalamidad, hindi mo rin mahagilap dahil kung hindi parang barangay tanod na nakabantay sa mga dam, naroon naman siya sa war room/monitoring area ng NIA dahil nakabantay magdamag sa buhos ng tubig sa mga peligrosong dam.

Walang tulog si Antiporda kasama ng kanyang team sa NIA, mag-iikot sa mga kritikal area kapag masama ang panahon.

Habang mahimbing tayong natutulog, si Antiporda at ang Team NIA, nagbabantay para matiyak na hindi sumabog or mag-overflow ang mga dams.

Habang naghihilik tayong lahat ng mga dinadaanan ng bagyo, iyong pamilya naman ni Benny ay kabado at nag-aalala dahil sa halip na kasama nila ang kanilang padre de pamilya, hayun, mas piniling maging taong gobyerno na nasa mga kritikal na area habang humahataw ang mga kalamidad.

Aminado naman akong close tayo kay Antiporda dahil way way back, nang kumandidato siyang bise-presidente at presidente ng National Press Club ay ako ang kanyang campaign manager. Nang maging pangulo ng NPC, kaliwa’t kanan ang pagpapagawa at pagpapaganda sa gusali ng Press Club na mahabang panahong nagmukhang ghost building.

Nang mapuntahan ko siya sa NIA compound, sumama akong mag-ikot sa kanya. Iyong usual Antiporda ang makikita mong naglalakad sa paligid at parang kandidatong kumakakaway at bumabati mula sa guwardiya, mga utility crew, karaniwang empleyado at pati na mga opisyal. Ramdam mong gustung-gusto siya ng mga kawani on the ground.

May isang covered multi-functional court sa NIA compound na matagal napabayaan, ginawang imbakan ng mga sirang gamit, halos nasira na ang mga sahig. Ginastusan iyon ng milyun-milyong piso ng pamahalaan sa mga nakaraang administration pero ginawa lang tambakan ng basura.

Pakialamero talaga itong si Benny, ipinalinis, pinaayos at ibinalik sa dati niyang kondisyon at ngayon ay pinakikinabangan na ng NIA employees.

Iyong gitna ng NIA na “babuyan carinderia” dahil sa sobrang miserableng kondisyon at sobrang dungis ang itsura, pinakialaman na naman ni Benny. Binalaan niya ang nagtitinda na palalayasin kapag hindi inayos ang kanilang lugar. Brusko di ba?

Nang mga sumunod na araw, umayos, umaliwalas at nagmukhang ala fresco coffee shop na puwedeng tambayan ng mga kawani kapag breaktime.

Hindi makukuwestiyon ang sinsiridad ni Benny kahit saang opisina mo siya dalhin, pribado man o gobyerno.

Pero ang huling balita, sinuspindi ng 6 months si Benny dahil sa pagdidisiplina niya sa kanyang mga dinatnang siga sa NIA. Yan, pakialamero ka kasi!

Ganyan sana lahat ang mangyari kahit saan mang ahensiya ng pamahalaan, masibak sana ang mga matitino, magsipag-resign na sana lahat ang mga totoong nagmamalasakit para tuluyan na tayong bumagsak tulad ng gustong mangyari ng iba.

Isa lang ang payo ko kay Benny kapag nagkakausap kami, hindi tama at hindi makatarungan ang ginagawa sa kanya kaya dapat na siyang mag-resign sa NIA.

Hindi kawalan kay Benny ang posisyon dahil maayos naman ang buhay. Gobyerno ang nawalan kung magre-resign si Antiporda sa NIA.

Para sa mga matitino diyan, mag-resign na rin kayo bago kayo abutan ng suspensiyon!

[email protected]