DICT1

Broadband ng Masa Program magiging pamana ng PBBM admin

March 21, 2025 Edd Reyes 238 views

TINIYAK ng DICT na ang mga pangunahing programa ng pamahalaan na itinutulak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay magkakaroon ng katuparan sa tamang oras.

Partikular na binanggit ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dysa kanyang pagharap sa media forum ng Balitaan sa Tinapayan ang Broadband ng Masa Program o BBMP na aniya ay magiging isa sa iiwang pamana ng administrasyon ni Pangulong BBM na tiyak na aniyang maisasakatuparan.

Layunin ng naturang programa ang magkaloob ng internet connectivity sa buong kapuluan, maging sa mga liblib na lugar sa bansa, na magbibigay ginhawa, hindi lamang sa mga sangay at tanggapan ng pamahalaan, kundi maging sa mga pribadong negosyo, mga guro, etudyante, at ordinaryong mamamayan at tiyak na magpapalago sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Usec Dy na kabilang din sa tinututukan ng kanilang ahensiya ang pagsawata sa “fake news” na bagama’t aminado siya na isang mahirap na problema ay katuwang naman nila rito ang mga law enforcement agency tulad ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ACG-PNP). National Intelligence Coordinating Agency (NIC) at maging ng Kongreso.

Pangatlo rin aniya sa kanilang pinagtutuuan ng pansin sa kasalukuyan ang phishing at scamming na nagpapanggap na legitimong tao o kompanya upang makapambiktima at makakalap ng mga sensitibong data.at katuwang nila rito ang National Telecommunication Commission (NTC)

Binalaan din ng DICT ang makabagong pamamaraan ng mga “budol-budol gang” kung saan kaya na nilang pagsalitain ang sinasabing na-aksidente nilang ama o ina upang mapaniwala ang bibiktimahin na talagang nadisgrasya ang kanilang padre de pamilya at kailangan ang malaking halaga.

Pinayuhan ni Usec Dy ang mamamayan na mag-ingat at kung maaari ay lumikha sila ng paraan, tulad ng pagkakaroon ng “password” para matiyak na kaanak nga nila ang nasa kabilang linya.

AUTHOR PROFILE