Briton (Photo from QCPD)

Briton ninakawan, mag-asawa kulong

December 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 187 views

ARESTADO ang isang lalaki at kanyang misis dahil sa pagnanakaw umano sa isang Briton sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina John Bernard Diarez Navarra, 35-anyos, residente ng Brgy. Milagrosa, Quezon City at Lorie Jean Bernal Navarra, 32-taong gulang, at ng Antipolo City, Rizal.

Ang pag-aresto sa mga suspek ay kaugnay umano ng pagnanakaw sa bag ng Briton na si Kevin Arrowsmith noong Disyembre 6 ng umaga sa sangay ng Mc Donalds sa Metrolane, Daily Supermarket, Brgy. Tagumpay, Project 4, Quezon City.

Sa tulong ng ilang saksi ay nakilala umano ang mga suspek.

Natunton ng mga otoridad si Lorie sa Cabonell Pagrai Hill, Brgy. Mayamot, Antipolo City, Rizal. Umamin umano ito sa krimen matapos na ipakita sa kanya ang CCTV footage at litrato ng naganap na nakawan.

Nakuha rin umano kay Lorie Jean ang kinaroroonan ng kanyang mister na nahuli sa loob ng sangay ng Mc Donalds sa kanto ng Aurora Blvd. at Anonas St. sa Brgy. Quirino 2-B, Quezon City.

Nanlaban umano si John Bernard subalit napigilan ng mga otoridad na makatakas.

Narekober sa suspek ang bag ng biktima na may lamang P18,000, 180 British pound, pasaporte ni Arrowsmith, mga susi, ocean credit card, at registration card ng biktima.