
Bra scene drop ng KimJe movie milyun-milyon ang views
Noong nakaraang taon, nahanap nina Jerald Napoles at Kim Molina ang kanilang “Seoulmeyt” sa isa’t isa. Taong 2023 naman nang patunayan ni Jerald na higit pa sa “Girlfriend Na Pwede Na” si Kim.
May pagkakataon sa “Sa Haba ng Gabi” noong 2021 nang na-trauma sila sa mga zombie pero nagawa pa rin nilang magpatawa. Sa taong ring ‘yan gumanap si Kim bilang “Ang Babaeng Walang Pakiramdam” at nakadama ng iba’t ibang emosyon kasama si Jerald sa “Ikaw at Ako at Ang Ending”.
Marami nang pinagdaanan ang powerhouse couple na ito mula pa noong “Jowable” days at hindi pa ito natatapos.
Ngayong Abril, mapapanood muli sa sinehan ang KimJe bilang sina Zuri (Kim) at Andy (Jerald) sa pelikulang “Un-Ex You”.
Sa edad na 35, may-ari na ng isang small-scale logistics company si Zuri. Lumaki siyang walang permanenteng pamilya kaya maaga niyang natutunan na itaguyod ang sarili.
Iilan lang ang itinuturing niyang pamilya – ang malayong kamag-anak na si Bry (Kyosu Guinto), bestfriend na si Greg (Bob Jbeili) at ang kanyang mga empleyado.
Nang makitaan siya ng sakit na premature menopause, kailangan ni Zuri na kumilos nang mabilis kung gusto niyang magkaroon ng sariling pamilya. Dahil walang lovelife, naghahanap siya ng isang disenteng lalaki na makakarelasyon at magbibigay sa kanya ng anak.
Nasubukan na rin niya ang iba’t ibang proseso ng pagbubuntis at ang huling pag-asa na lang niya ay ang ex na si Andy.
Si Andy ay taga-sitio Halúpi, isang liblib na lugar kung saan ang mga residente ay konserbatibo, namumuhay nang payapa, kuntento at hindi nagmamadali sa buhay.
Ito ang kinalakihan niya sa piling ng kanyang tiya at pinsan na nakasama niya mula mamatay ang kanyang mga magulang noong maliit pa siya.
Sinubukan rin ni Andy na mangibang-bansa para magtrabaho. Sa kasamaang palad, naaksidente siya roon at nagkaroon ng amnesia.
Naibalik siya sa Halupi at hanggang ngayon ay single pa rin. Pero madalas niyang napapaginipan si Zuri kahit wala siyang ideya kung bakit at kung sino ito.
Ngayong nasa Halupi na rin si Zuri, saksihan ang mga gagawin niya para muling ma-in love si Andy sa kanya, habang nakabantay ang tiya nitong si Mameng (Candy Pangilinan) at ang atribidang pinsan nitong si Beybeh (Jaja Disuanco).
Sa kagustuhan niyang magkaroon ng magandang kinabukasan kasama si Andy at ang pinapangarap niyang anak, magagawa bang ipaalam ni Zuri kay Andy ang kanilang nakaraan?
Umabot na ng mahigit 20 million views across all social media platforms ang bra scene drop nito na nilabas noong Sabado.
Ang “Un-Ex You” ay mula sa direksyon ni RC delos Reyes. Kasama rin sa cast si Marnie Lapus bilang si Doc Josie.
Mapapanood na ito sa mga sinehan nationwide simula April 9.