Revilla

BOTO I-BASE SA TRACK RECORD

October 13, 2024 People's Tonight 130 views

Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.:

UMAASA si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na masusing titingnan ng mga Pilipinong botante ang kanyang magandang track record sa loob ng 18 taon na paglilingkod bilang senador.

Si Revilla, na naghain kamakailan ng kanyang certificate of candidacy sa Commission on Elections sa ilalim ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ay bahagi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate slate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Hangad kong muling ipaglaban at tindigan ang kapakanan ng bawat ordinaryong Pilipino,” ani Revilla, na sa loob ng nakalipas na 30 taon ay miyembro ng iisang partido, ang Lakas-CMD.

Si Revilla ay naging instrumento sa pagpasa ng maraming kapaki-pakinabang na batas na nagbibigay ng direktang benepisyo sa maraming Pilipino hanggang ngayon.

Kabilang sa mga nasabing batas ay ang Kabalikat sa Pagtuturo Act (Republic Act o RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), No Permit, No Exam Prohibition Act (RA 11984), Free College Entrance Examinations Act (RA 12006), pagbibigay ng night shift differential pay sa mga empleyado ng gobyerno (RA 11701) at ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act (RA 11909).

Si Revilla rin ang may-akda ng batas na magbibigay para sa “legitimation” ng mga batang ipinanganak sa labas ng kasal at ang motorcycle helmet act, bukod sa marami pang iba.

Siya rin ay nakapagtala ng perfect attendance at nakapaghain ng kabuuang 1,979 na panukalang batas at resolusyon, kung saan 339 dito ang naisabatas.

Plano naman ng senador sa kanyang ika-apat na termino sa Senado na ipagpatuloy ang pagtataguyod ng hustisyang panlipunan, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, pampublikong imprastraktura at benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno.

Nakatakdang isagawa ang paparating na midterm election sa Mayo 12, 2025, kung saan 12 senador ang ihahalal.

AUTHOR PROFILE