Bossing Vic at Vice, balik-MMFF
BALIK-Metro Manila Film Festival (MMFF) ang box-office giants na sina Vice Ganda at Vic Sotto sa ika-50th year ng taunang pestibal ngayong Disyembre.
Kasama ang mga entry ng dalawa (And The Breadwinner Is ni Vice at The Kingdom ni Bossing Vic) sa first five of 10 entries na in-announce kanina ng MMFF execom base sa submitted scripts.
Ang ‘And The Bread Winner Is’ ni Vice ay prinodyus ng ABS-CBN Film Production katuwang ang The Idea First Company sa ilalim ng direksyon ni Jun Lana.
Kasama naman ni Bossing Vic sa ‘The Kingdom’ si Piolo Pascual. Produced ng APT, MZet at MQuest, ito ay ididirek ni Michael Tuviera.
Samantala, ang tatlo pang entries na pumasok ay ang ‘Green Bones’ na pagbibidahan nina Dennis Trillo at Sofia Pablo para sa GMA Films, ‘ Strange Frequencies: Haunted Hospital’ nina Enrique Gil at Jane de Leon mula sa Reality Entertainment, at ‘Himala: Isang Musikal’ tampok sina Aicelle Santos at Bituin Escalante para sa Kapitol Films/ Unitel) at dinirek ni Pepe Diokno.
Si First Lady Liza Marcos ang naging panauhing pandangal sa MMFF 50 launch na ginawa sa Bulwagang Antonio J. Villegas ng Manila City Hall.
‘Sine Sigla sa Singkwenta’ ang theme ng pestibal ngayong 2024.
Dinaluhan din ang launch ng representatives ng iba’t ibang production companies tulad nina Annette Gozon-Valdes, Perci Intalan, Jojo Oconer, Atty. Ferdie Topacio, at maging sina MTRCB Chairperson Lala Sotto, FDCP Chief Joey Reyes at marami pang iba.
Sina Manila Mayor Honey Lacuna, MMDA Chairman Atty. Roman Artes at Mowelfund exec/actress Boots Anson-Roa ang nag-announce ng unang limang entries sa MMFF 50.
Ang siyudad ng Maynila ang magsisilbing host ng pestibal ngayong taon na ang disenyo ng trophy ay gawa ng global Pinoy-American visual artist na si Jefre.
Sina Jake Ejercito at Isabelle Daza ang tumayong anchors ng MMFF 50 launch.