Boss Vic

Boss Vic kay Nadine: Mahal na mahal ko ’yan

December 1, 2021 Ian F. Fariñas 406 views

VincentVIVA Films na nga ang production company na pinaka-busy ngayong pandemya. Karaniwan na walong pelikula ang sabay-sabay na tinatapos ng kumpanya. Karamihan dito ay original content para sa sariling streaming arm na Vivamax.

Enero 2022 pa magsi-celebrate ng first anniversary ang Viva pero ngayon pa lamang ay tinataya na ng Viva big boss na si Vic del Rosario na aabot sa 10 million ang subscribers nito sa susunod na taon.

Sa ngayon, milestone na ngang maituturing para sa namamahala ritong anak ni Boss Vic na si Vincent del Rosario na nasa 21 countries na across the globe ang Vivamax.

Marami ring napasikat na mga bagong pangalan ang streaming arm, gaya na lamang nina AJ Raval (Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar, Death of a Girlfriend, Taya, Shoot! Shoot!, atbp.), Kylie Versoza (The Housemaid, House Tour, My Husband, My Lover), Angeli Khang (Taya, Mahjong Nights), atbp.

Pati mga direktor, nag-bloom ang mga career, isa na rito ang tinaguriang “pandemic director” na si Darryl Yap (Jowable, Revirginized, Pornstar 1 & 2, etc.)

Kabilang naman sa currently in production ang Greed na pinagbibidahan nina Nadine Lustre at Diego Loyzaga sa ilalim ng direksyon ni Yam Laranas.

Ang Greed ang unang film assignment ni Nadine matapos ang gusot na kinasangkutan sa kontrata niya sa Viva Artists Agency (VAA).

Sa isang interbyu, mismong si Boss Vic na ang nagsabi na naayos na ng dalawang kampo ang naging problema na humantong pa nga sa pagsasampa ng aktres ng kaso laban sa Viva.

“Si Nadine ano, eh, mahal na mahal ko ’yan. Nagsimula ’yan sa akin as a singer, actually. Talagang hinire ko siya as a singer. Pero simula pa lang, nakita ko na ’yung potential niya na pwede siyang mag-artista and so inalagaan namin. Although, ayun, after nang sumikat, nagkaroon siya ng sarili niyang ano, nagkaroon kami ng konting ano, pagtatalo, about how to interpret a contract.

Nagkaroon ng kaso, nanalo kami and then eventually, nag-ayos na kami.

“So, ano na, nagsimula na siyang… nag-start na siyang gumawa ng pelikula. And basically, we have settled all our differences from the management to the movies, lahat. So, okay na kami,” banggit ni Boss Vic.

Dalawang taon na mula nang ipalabas sa commercial theaters ang huling movie ni Nadine sa Viva, ang dance musical na Indak, kung saan nakasama niya ang singer-actor na si Sam Concepcion.

Currently in production din ang Adik Sa ’Yo nina jm de Guzman at Cindy Miranda.

Pinamamahalaan ito ng team sa likod ng 2019 Metro Manila Film Festival top grosser ng Viva na Miracle in Cell No. 7 — sina Direk Nuel Naval at scriptwriter Mel del Rosario.

Sa Quezon naman ang lock-in shooting ng isa pang Viva project, ang Reroute starring internationally acclaimed actor John Arcilla, Cindy Miranda, Nathalie Hart and Sid Lucero under Direk Law Fajardo.

Ang mga baguhang sina Vince Rillo at Cristine Bermas naman ang ipakikilala sa Siklo (as in ‘motorsiklo’) ni Direk Roman Perez.

Si Direk Roman din ang nasa likod ng pelikulang Hugas, ang balik-tambalan nina aj at Sean de Guzman, na nagkatrabaho na sa Taya. Kasama nila sa cast sina Stephanie Rax, Jay Manalo, Joko Diaz at marami pang iba.

Sa paparating na MMFF, bale ikatlong Pinoy adaptation ng isang hit Korean film ang pambato ng Viva. Ito ay ang A Hard Day nina Dingdong Dantes at John Arcilla na dinirek ni Law Fajardo.

Kalahok ito sa naunsyaming Metro Manila Summer Film Festival na nakansela sa kataasan ng Covid-19 pandemic nu’ng nakaraang taon.

Ang dalawa pang successful Viva adaptations ay ang Miss Granny ni Sarah Geronimo at ang Miracle in Cell No. 7 nga ni Aga Muhlach.

Babangga sina Dingdong at John sa kapwa MMFF entries na The Exorsis (Toni at Alex Gonzaga), Nelia (Winwyn Marquez), Huling Ulan Sa Tag-Araw (Rita Daniela at Ken Chan), Huwag Kang Lalabas (Kim Chiu), Love At First Stream (ni Direk Cathy Garcia-Molina), Kun Maupay Man It Panahon (Whether the Weather is Fine) (Charos Santos-Concio at Daniel Padilla) at Big Night (Christian Bables).

AUTHOR PROFILE