Vic

Boss Vic, kasali sa listahan ng 100 Most Powerful sa ’Pinas

September 25, 2022 Ian F. Fariñas 122 views

“Titan” sa industriya. Ganyan inilarawan ang Viva Entertainment big boss na si Vic del Rosario bilang isa sa 100 Most Powerful in the Philippines: Titans of Industry, Media and Academia ng Esquire Magazine.

Kinilala ang film producer/star builder para sa kontribusyon niya sa Philippine cinema sa loob ng ilang dekada.

Nabanggit din sa article ang pagbi-venture niya sa streaming business nitong kasagsagan ng Covid-19 pandemic sa pamamagitan ng Vivamax, na nag-launch sa acting career ng mga baguhang artista gaya nina AJ Raval, Angeli Khang, Sunshine Guimary, Christine Bermas, Ayanna Misola at marami pang iba.

Common knowledge nang si Boss Vic din ang “godfather” at nagpasikat kina Sharon Cuneta, Sarah Geronimo, Nadine Lustre, James Reid, atbp.

Bukod kay Boss Vic, kasama rin sa listahan si Direk Darryl Yap, ang kontrobersyal na direktor ng blockbuster Viva movie na Maid in Malacañang na patuloy pa ring ipinapalabas sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang MiM din ang kauna-unahang pelikula na tumabo nang husto sa takilya sa panahon ng pandemya.

Kinilala si Direk Darryl para sa kanyang “skill in crafting movies is matched only by his ability to divide viewers.”

Patuloy pa ng article, “While he does have his haters, Yap also has a legion of admirers who will no doubt be waiting for his next magnum opus.”

Ang Viva Artists Agency talent namang si Vice Ganda, kabilang sa 100 Most Powerful in the Philippines: Wielders of Soft Power list.

Bilang host ng daily variety noontime show na It’s Showtime at bida ng ilan sa highest-grossing movies sa bansa, isa si Vice sa mga itinuturing na pinakasikat na entertainer na hanggang ngayon ay wala umanong senyales ng pag-i-slow down.

Binigyang-diin din ng magazine ang paggamit ni Vice sa kanyang boses sa iba’t ibang platform, kung saan milyun-milyon ang kanyang followers, para isulong ang LGBTQ health at rights and i-endorse ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression, a.k.a. Anti-Discrimination Bill.

Ang iba pang mga personalidad na kasama sa iba’t ibang kategorya ng 100 Most Powerful list ay sina Heart Evangelista, Ely Buendia, Rico Blanco, Alodia Gosiengfiao, GMA chief Felipe Gozon, Carlo Katigbak ng ABS-CBN, Ben Chan, Johnny “Mr. M” Manahan, grupong SB19 at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE