Default Thumbnail

Borderless vaccine system, dapat ipatupad

June 7, 2021 Allan L. Encarnacion 500 views

Allan EncarnacionMAY mga kumukuwestiyon sa pagpapabakuna sa Davao nila dating Defense secretary Gibo Teodoro at dating kongresman Nonoy Andaya.

Maging ang pagpapabakuna ng pamilya ng aktor na si Aga Muhlach sa Muntinlupa ay isyu rin sa ibang tao.

Hindi lang ito ngayon nangyari, sa mga nakaraan, may mga naglabas na rin ng sentimiyento kung bakit may mga taong hindi naman residente sa isang lugar ay naturukan ng bakuna.

Minsan, may nag-alok na rin sa akin at sa aking pamilya na mabakunahan sa Makati. Tinanggihan ko kasi nga una, hindi naman ako Makatizen.

Hanggang ngayon, may mga nag-aalok pa rin sa akin na mabakunahan sa iba’t ibang lugar pero palagi ko namang tinatanggihan dahil nga ayaw nating maging bahagi ng isyu ng pagkuwestiyon sa residency.

Ang totoo, ang COVID ay world pandemic. Wala itong kinikilalang lahi, wala itong pinipiling lugar. Kung tutuusin, hindi naman dapat maging isyu kung saan gustong magpabakuna ng isang Pilipino o kahit pa ng isang dayuhan sa ibang lugar. Case in point, mga Chinese or foreigners na narito sa ating bansa ay pinapayagan ding mabakunahan.

Sa tingin natin, hindi “panlalamang” o hindi panggugulang” ang mabakunahan ka sa ibang lugar na labas sa iyong barangay o lungsod na iyong kinaroroonan. Hindi naman talaga dapat pinag-uusapan dito ang lugar dahil nga kahit saan naman ang virus.

Kung nabakunahan ka sa Makati City pero ikaw ay taga-Tuguegarao, wala tayong nakikitang problema rito at wala rin namang masasayang na bakuna. Una, hindi ka naman na magpabakuna sa Tuguegarao kung naturukan ka na sa Makati. Ibig sabihin, plus one sa Makati kaya minus one naman sa Tuguegarao.

Ganoon din ang kaso kung saan mo gustong magpaturok ng second dose basta pareho lang ng brand. Kung saan ka komportable, kung saan mo gusto or kung saan ka abutan, magpaturok ka na kung kailangan.

Ang bottomline dito, gumagalaw tayo sa isang mundong binihag ng virus tapos iniisip mo pa rin ang boundary? Anong klaseng pag-iisip naman yan?

Naniniwala tayong kung maglalabas ng polisiya ang DOH at IATF para maalis ang boundary or territorial vaccine system, mas mabilis nating maabot ang herd immunity.

Kung magkakaroon nga ng patakaran na kahit saang mall ka naroon or kung saang drug store ka mapadaan, puwede kang magpabakuna, mas maganda. Kailangan nating palawakin ang seamless at borderless vax system para mas mabilis tayong makabalik sa normal nating mga buhay.

Tigilan na ‘yang hatakan, talangka lang ang may ganyang kaisipan.

[email protected]