Ice

Boots kakanta’t hahataw para kay Ice

October 30, 2024 Ian F. Fariñas 101 views

NGAYON pa lang, excited na si Ice Seguerra sa pangako ng beteranang aktres at Mowelfund exec na si Boots Anson-Rodrigo na kakanta’t sasayaw siya sa repeat ng birthday concert niyang “Videoke Hits: OPM Edition (Isa Pa!),” na gaganapin sa Music Museum sa November 8.

Kwento ng OPM hitmaker, nanood ng “Videoke Hits: OPM Edition” si Tita Boots at ang pamilya nito. Dahil videoke nga ang concept, nagsabi umano ang seasoned actress na sa susunod ay makikikanta at makikisayaw na siya.

“‘Okay, Tita! Game ka d’yan, ha?’ sabi ko. ‘When is your next show ba?’ Sabi ko, ‘November 8.’ So, ayun, manonood sila uli. So this time, kakanta’t sasayaw na siya, hahaha!” excited na chika ng mister ni Liza Dino.

Bukod kay Tita Boots, marami pang dapat abangan sa “Videoke Hits: OPM Edition (Isa Pa!)” lalo na nga’t bawat “Videoke Hits” concert ni Ice ay dinadayo ng kapwa niya singers/performers.

Minsan nga raw pati siya ay nasu-surprise dahil hindi niya alam kung sinu-sino ang nasa audience.

Kabilang nga sa mga naging instant celebrity guests na sa “Videoke Hits” sina Richard Reynoso, Juris, mag-asawang Robert Sena at Isay Alvarez at marami pang iba.

Trinay umano ni Ice na makasama sa isang medley ang OPM legend na si Sampaguita dahil big fan siya nito. Kaso, may prior commitment na ang tinaguriang Queen of Pinoy Rock, na nagpasikat sa mga OPM classic gaya ng “Nosi Ba Lasi,” “Laguna,” “Bonggahan,” atbp.

Anyway, as the title suggests, halo-halong OPM songs ang babanatan ni Ice sa gabing ‘yon, kabilang na ang medley ng “Gento” ng SB19 at “Salamin, Salamin” ng BINI.

Kwento ni Ice, kinarir niya ito’t feel na feel ang pagkanta hanggang sa makaramdam siya ng pagod.

“Ngalngal kabayo talaga ako! Hahaha!” kwelang saad niya sa tinawag niyang challenging portion ng show.

Hatid ng Fire and Ice Live, available ang tickets sa “Videoke Hits: OPM Edition (Isa Pa!)” sa Ticketworld at sa Fire and Ice Live (0917-5420303).

AUTHOR PROFILE