Booster shots, posible

October 22, 2021 Paul M. Gutierrez 277 views

PaulNANAWAGAN kamakailan ang mga nasa pribadong sektor na payagan na umano silang magbigay ng booster shots sa kanilang mga empleyado para maiwasan na masayang lamang ang mga supply ng bakuna na malapit nang ma-expire.

Kabilang ang pagbibigay ng COVID booster shots sa napag-usapan ng public-private Task Force T3 o Test, Trade and Treat nitong Oktubre 15.

Ayon sa mga pag-aaral bumababa umano ang efficacy ng mga nakatanggap ng Sinovac at Sinopharm kaya inirerekomenda ang pagkakaroon ng booster shot sa mga ito. Gayundin, may pangangailangan sa mga immunocompromised na indibiduwal at nakatatanda para sa booster shot.

Sa naging briefing ng Laging Handa noong Sabado, hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na inaasahang ilalabas sa Nobyembre.

Kung magiging maganda ang resulta ng mga pag-aaral, posibleng makapagbigay ng booster shots para sa mga nabanggit. Gayunpaman, nakadepende pa rin ito sa magiging rekomendasyon kung anong bakuna ang gagamitin bilang pang-booster shot at sa supply nito.

Ibig sabihin lamang nito na hindi sarado ang DOH sa pagbibigay ng booster shot na sa tingin naman natin ay kailangan. Kumpiyansa tayo na magiging maganda ang resulta ng mga pag-aaral lalo na nagiging malawak na ang pag-aaral sa COVID-19 na ito at sa kakayanan nitong mag-mutate o magluwal ng iba’t ibang variants.

Suportado din natin ang naging pahayag ni vaccine czar Secretary Carito Galvez Jr. na pagkukunsidera na tanggalin na ang kategorya ng “priorities” sa vaccination program. Ito ay upang hindi masayang ang mga bakuna. Dahil aminin natin na may mga kababayan pa rin tayong choosy pagdating sa bakuna.

Ang totoo maraming gustong magpabakuna pero hindi nakatanggap dahil hindi sila priority. Nakakalungkot dahil naging karanasan din naming sa National Press Club (NPC) ang ganito. Nang malamang Sinovac ang ituturok sa kanila ay hindi na dumating ang ibang nagpalista.

Sa kagustuhan nating makatulong na mapabakunahan ang mga kasamahan natin sa midya at sa kanilang mga pamilya para hindi na magtagal ang pandemyang ito ay hindi nating maiwasang maging choosy ang iba. Karapatan naman nilang tumanggi pero nakakalungkot na nagiging hindi maganda ang pagtingin pa rin ng tao sa kahalagahan ng bakuna kahit sinabi na ng mga eksperto na ang epektibong bakuna ay bakunang nasa harapan ninyo.

Dahil hindi naman iyan papayagan ng mga eksperto kung hindi epektibo o magbibigay ng kapahamakan sa mga tatanggap nito.

Sa ngayon nasa mahigit 30 porsiyento pa lamang o mahigit 20 milyon ng populasyon pa lamang ang bakunado.

Mahirap maabot ang pagkakaroon ng herd immunity kung masasayang lamang ang bakuna dahil sa mae-expire lamang o di kaya’y hindi na magiging epektibo dahil nawala na ang bisa nito.

Sa ngayon, kailangan nating maghintay sa posibilidad na magkaroon tayo ng booster shot. Tingin natin magbibigay din ito ng kumpiyansa sa mga tao na magpaturok ng Sinovac at Sinopharm para hindi na maging ‘choosy,’ hehehe!

AUTHOR PROFILE

Opinion

SHOW ALL

Calendar