‘Booster shot’ sa frontliners panawagan ni Cayetano

August 23, 2021 Paul M. Gutierrez 328 views

PaulSUMULAT na pala si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa IATF kasama ang kanyang mga kaalyadong kongresista sa BTS o Back To Service sa Kongreso kung saan inihirit nila na maturukan ng ‘booster shot’ ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga medical frontliners kasama na ang mga delikadong kalagayan o yung mga ‘immunocompromised.’

Punto pa ni Cayetano at mga kasama niya sa BTS– Congs. Lray Villafuerte, Ranie Abu, Dan Fernandez, Jonathan Sy Alvarado, Mike Defensor at Lani Cayetano—bagaman kulang pa ang mga bakuna na dumarating sa bansa at kailangan pang mabakunahan ang iba nating mga kababayan, importante at hindi dapat ipagwalang bahala ang kaligtasan ng mga medical frontliners na syang humaharap sa mga COVID patients pati na rin ang mga immunocompromised.

Sa paningin ng mga miron, “tamang direksyon” ang tinatahak ng grupo ni Cayetano dahil marami ng bansa sa buong mundo ang nagsimula ng magturok ng booster shot sa kanilang mga medical frontliners at pati sa mga matatanda na edad 60-anyos pataas.

Ang ibang bansa naman ay nagbabalak na ring gawin ito upang “mas masiguro” ang kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.

Nag-umpisa ng magturok ng booster shot ang Indonesia, Thailand at Israel. Susunod na din ang US, United Kingdom,France, Germany, China, Russia, Turkey, United Arab Emirates, Bahrain, at Singapore.

Kailangang maturukan ng booster shot ang ating mga medical frontliners dahil tagilid lagi ang kanilang buhay sa pag-aasikaso ng mga may COVID maging ng mga pasyenteng may ibang malubhang sakit.

Pangamba pa ng BTS, kung hindi maprotektahan ang ating mga frontliners, posibleng bumagsak at “mawarak” (hello, DOH secretary Francisco Duque) ang ating health system lalo pa ngayon na kabi-kabila ang reklamo ng mga nurse at iba pang medical frontliners dahil hindi nakakatanggap ng kanilang mga risk allowance at iba pang benepisyo na nakapaloob sa Bayanihan 1 (hello ulit, Sec. Duque).

Aber, napabalita na nga ang “balak” ng ating mga narses na magprotesta at may balita pa na apat sa sampung mga nurse sa mga pribadong ospital ay nag-resign na dahil sa peligro ng kanilang trabaho.

Sa ngayon, 11.7 porsiyento pa lamang ng mahigit 110M Pilipino ang fully vaccinated samantalang 14.8 porsiyento pa lang ang may ‘first dose.’

Sa Metro Manila halos tapos na ang pagbabakuna sa San Juan, Marikina, Mandalayong at Pateros.

Pagkatapos nito, handa na din silang tumanggap ng mga vaccinees mula sa iba-t ibang lugar at kalapit na mga lalawigan. P45 bilyon ang nakalaan sa 2022 national budget para sa pagbili ng karagdagang bakuna para sa booster shots ngunit gagamitin lang daw ito kapag nabakunahan na ang mayorya ng ating mga kababayan.

Alam naman natin na hihina na ang efficacy ng bakuna laban sa COVID-19 batay sa mga pag-aaral pagkatapos ng anim na buwan.

Kung inyong matatandaan, buwan ng Marso ngayong 2021 nag-umpisa ang pagbakuna sa ating mga medical frontliners kaya kailangan na nila ng booster shot para muling lumakas ang kanilang panlaban sa pandemyang COVID-19.

Kaya naman ang panawagan ng BTS sa IATF, “esep-esep” na din ngayon pa lang, mga bosing!

Bigyan naman natin ng pagpapahalaga ang ating mga medical frontliners lalo na ngayong umaarya na sa bansa ang Delta Variant at pagpasok na rin ng panibagong variant ng COVID-19, ang Lambda Variant mula sa Peru na nararamdamaman na rin ngayon sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Abangan!

AUTHOR PROFILE