Default Thumbnail

Booster shot, Binahay-bahay na sa Navotas

February 16, 2022 Edd Reyes 320 views

Edd ReyesMATAGUMPAY ang isinagawang pagbabahay-bahay ng Mobile Vaccination Team ng pamahalaang lungsod ng Navotas na layong mabigyan ng booster shots ang mga may sakit na patuloy na nakaratay sa banig ng karamdaman.

Sabi ni Mayor Toby Tiangco, sinimulan ang pagkakaloob ng booster shots sa mga may sakit sa 18 barangay sa lungsod nito lamang araw ng Lunes, upang mabigyan sila ng karagdagang proteksiyon laban sa Covid-19.

AstraZeneca vaccine ang bitbit ng mga tauhan ng mobile team para iturok bilang booster sa mga may sakit dahil masyadong sensitibo ang bakuna na Pfizer bagama’t pareho namang napakabisa laban sa Covid-19 ang dalawang bakuna.

Hanggang nitong araw ng Miyerkules, umabot na sa 48 bedridden na hirap ng umalis ng bahay ang napuntahan ng mobile vaccination team sa Brgy. Tanza 1, Tanza 2, Tangos North at Tangos South na pinagkalooban na rin ng tig-limang kilong bigas at manok.

Hinimok din ng alkalde ang may pamilyang may kaanak na bedridden na nais magpa-booster na magpalista lang sa kanilang barangay o mag-text sa JRT o kaya ay magpadala ng mensahe sa Navotas Ako at ilagay ang pangalan, tirahan at contact number.

Sa mga nais magpadala ng komento o mungkahi, mag-email lang sa [email protected] o mag-text sa 0923-3478363.

MGA KANDIDATONG “SURE WINNER” SA HALALAN 2022

Sa kasalukuyang takbo ng halalan sa area ng CAMANAVA na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, malamang na ang lungsod lamang ng Caloocan at Malabon ang kapanapanabik na masubaybayan.

Dito kasi sa Valenzuela City, magpapalit lang ng puwesto ang magkapatid na Mayor Rex Gatchalian at Congressman Wes Gatchalian ng 1st District dahil tapos na ang termino ng alkalde.

Walang makakalaban si Mayor Rex sa kanyang pagtakbo bilang kongresista ng Unang Distrito kaya sure winner na talaga siya habang makakatunggali naman ng nakababata niyang kapatid ang hindi gaanong popular na kandidato na si Bombit Bernardo.

Ang tanging aabangan na lamang marahil sa resulta ng halalan sa Mayo 9, 2022 sa Valenzuela ay ang paglalaban bilang kinatawan sa 2nd District ng lungsod nina Rep. Eric Martinez at dating Cong. Magtanggol Gunigundo na parehong may malaking bilang ng mga tagasuporta.

Sa Navotas City naman, magpapalit din lang ng posisyon ang magkapatid na sina Mayor Toby Tiangco na tatakbo bilang kongresista sa nag-iisang distrito ng lungsod at Cong. John Rey Tiangco na tatakbo naman bilang alkalde.

Bagama’t may katunggali rin sa pagtakbo sa kani-kanilang posisyon ang magkapatid, hindi naman kaila sa mga Navoteno ang mga magagandang programa at proyekto ng dalawa, lalu na sa panahon ng pandemya, kaya’t yung mga dati nilang mga malalakas na nakalaban sa mga nagdaang halalan ay hindi na rin nagtangka pang sumabak sa pulitika para labanan ang magkapatid na Tiangco.

Pero dito sa lungsod ng Malabon, bagama’t nangingibabaw ang pamilya Oreta, malamang na magiging kapana-panabik ang halalan dahil tapos na ang termino ni Mayor Antolin “Lenlen” Oreta at hahalili sa kanya sa pagtakbo ang nakababatang kapatid na si Councilor Lorenzo “Enzo” Oreta, kalaban ang malakas na kandidato ng Nacionalista Party na si dating Vice Mayor Jeannie Sandoval.

Pero ang higit na magandang subaybayan ay ang pagtutunggali sa pagka-alkalde nina Caloocan 1st District Congressman Dale “Along” Malapitan at 2nd District Rep. Egay Erice na parehong may malalim na “bulsa” at malaking bilang ng taga-suporta.

Marami kasi ang nagsasabing lamang sa laban si Cong. Along bunsod ng magagandang proyekto at programang naisakatuparan nila ng kanyang amang si Mayor Oca bukod pa sa malaki ang bilang ng mga botante sa Unang Distrito kumpara sa 2d District ni Cong. Erice.

Hindi naman sa minemenos natin ang apat pang independent candidates na tatakbo rin sa pagka-alkalde ng lungsod pero batid ng mga taga-Caloocan na tanging sina Erice at Along Malapitan talaga ang mahigpit na magtutunggali.

Bitbit kasi ng batang Malapitan ang magandang imahe at pamana na iiwan ng kanyang ama, bukod pa sa mga nagawa niya sa kanyang distrito bagama’t na kay Erice naman ang sapat na talino at karanasan kaya’t marami ang naniniwala na mahigpit ang kanilang magiging labanan.

Si Mayor Oca nga pala ay tatakbo naman bilang kongresista sa Unang Distrito ng Caloocan na bagama’t may dalawa siyang makakalaban, mukhang alam na ng mga botante sa lungsod kung sino ang magwawagi kaya’t ang aabangan na lamang ay ang labanan ng mga tatakbong kinatawan sa kongreso ng Ikalawa at Ikatlong Distrito.

AUTHOR PROFILE