Booster bakuna sa Divisoria may part 2

January 6, 2022 Jonjon Reyes 99 views

MAY PART 2 ang COVID booster shots ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga manininda, pahinante, drayber at mga maggagawa sa Divisoria, Enero 6.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna ang bakunahan Part 2 ay isinagawa sa kanto ng Juan Luna Street at CM Recto Avenue.

Napag-alaman na umabot sa 754 indibidwal ang nabakunahan Miyerkules sa unang COVID booster vaccination sa Divisoria.

Pinag-aaralan na din ng pamahalaang lungsod ng Maynila na palawigin pa ang kanilang isinagawang “drive-thru booster shot vaccination” sa Kartilya ng Katipunan na nasa tabi ng Manila City Hall na inilaan para sa mga delivery riders kabilang ang motorized at bisikleta (2 wheels) tulad ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, FoodPanda, Lazada, at kahalintulad ng mga ito.

Ang naturang hakbang ay matapos dagsain ng mga delivery riders ang nasabing drive-thru vaccination upang makapagbakuna at magkaroon ng dagdag na proteksyon laban sa COVID-19.

Ayon kay Domagoso, karamihan umano sa mga nagpabakunang delivery riders ay hindi residente sa lungsod ng Maynila ngunit uli nitong iginiit na “open policy” ang ipinapatupad sa lungsod at “welcome” aniya ang lahat sa Maynila.

“We created a system na para lang sila naghatid ng delivery. So makakabyahe na sila ulit, makakapag hanapbuhay na sila,” ani Domagoso. Jon-Jon Reyes & C.J. Aliño

AUTHOR PROFILE