Bongalon Ako Bicol Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon

Bongalon: Baha sa Davao City di natugunan ng mga Duterte na 33 taon na sa puwesto

August 12, 2024 People's Tonight 83 views

MAHIGIT 33 taon na umano ang mga Duterte sa puwesto pero hindi pa rin nila natugunan ang problema ng pagbaha sa Davao City.

Ito ang sinabi ni Ako Bicol Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon bilang tugon sa paninisi ni Vice President Sara Duterte sa administrasyong Marcos na binaha umano ang Davao City dahil hindi umano nito pinondohan ang mga flood control project.

“Yung issue kasi doon sa flood control project dun sa Davao, parang hindi naman po yata tama na sisihin mo yung national government sa pagbaha doon … Bakit? Tingnan ho natin, magkakaroon lang po tayo ng brief history: ilang taon po ba sa panunungkulan ang pamilya Duterte sa Davao City? Kung hindi po ako nagkakamali 33 years,” ani Bongalon.

Ipinunto ni Bongalon na ang Davao City ang isa sa mga lungsod na mayroong pinakamalaking natatanggap na pondo mula sa National Tax Allotment (NTA).

“At ang alam ko po ang Davao City ay isa sa may pinakamalaking IRA or the Internal Revenue Allotment or ngayon po ‘yung tinatawag na National Tax Allotment. Doon pa lang po sa budget na yun, pwede po nilang pondohan yung flood control project at bakit mo isisisisi sa kasalukuyang administrasyon?” tanong ng mambabatas.

Sinabi ni VP Duterte na maaaring hindi pinopondohan ang mga proyekto dahil ang mayor ng Davao City ay ang kanyang kapatid na si Baste Duterte.

Ayon pa kay Bongalon, ang kapatid ni VP Duterte na si Davao City Rep. Pulong Duterte ay nakakuha ng P51 bilyong pondo para sa imprastraktura sa huling tatlong taon sa termino ng kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ito po lumabas na po ito, January of this year, galing po mismo kay USec. Catrina Cabral ng DPWH, ang pondo po ng distrito Congressman Pulong Duterte last congress ay umabot po ng P51 billion. Ngayon ang tanong, saan po ba napunta doon? Parte po ba nun ay napunta sa flood control project?” saad pa ni Bongalon.

“Yun naman po ‘yung tanong ko sa kanila. P51 billion, imagine, with that huge amount of public funds bakit hindi po na-address ‘yung baha sa Davao? So, nasaan po? Anong proyekto ang napapuntahan po na sinabing napakalaking pera or pondo ng bayan?” pagpapatuloy nito.

“So, I guess bago po tayo magturo dapat tinignan man lang muna nila kung ano ang kanilang ginawa para ma-address at ma-resolbahan ng isyu pong ito,” dagdag pa ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE