Bong Nebrija tinik sa lalamunan ng mga pasaway na motorista

June 8, 2022 Edd Reyes 149 views

Edd ReyesWALANG tigil sa pagsasagawa ng clearing operation ang Task Force Special Operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinamumunuan ni Col. Edison “Bong” Nebrija sa iba’t-ibang lansangan sa Metro Manila kaya siya umaani ng papuri.

Araw-araw sa halos maghapon ay nanghuhuli at nagbabatak si Sir Bong ng mga ilegal na nakaparada sa mga pangunahing lansangan at mga kolorum na sasakyan at riders na lumalabag sa batas-trapiko.

Sa buwan lang ng Mayo, umabot na sa 2,180 ang natikitan at nabatak na sasakyan nina Sir Bong. Kaya lang, may mga pasaway na motorista at illegal vendors, ang naghihintay lang na umalis ang grupo ni Sir Bong at bumabalik na muli sa lansangan.

Kaya apela niya sa mga opisyal ng barangay at sa lokal na pamahalaan, tulungan silang mapanatili ang kaayusan sa kani-kanilang nasasakupan dahil hindi kaagad nila mababalikan ang mga una na nilang inikutan dahil sa dami ng mga lansangang kanilang lilinisin.

Pamamahagi ng ayuda sa solo parents tuloy

Walang tigil ang ligaya sa Saya All, Angat All Tulong Pinansiyal program na inilunsad nina Navotas City Mayor Toby Tiangco at Cong. John Rey Tiangco na magkakaloob ng benepisyo sa may 1,000 solo parents.

Nitong nakaraang linggo, may 350 solo parents na nag-renew at nag-apply ng parent IDs ang tumanggap ng tig-P2,000.

Ang programa ay isasagawa sa buong taon kung saan una ng nakatanggap noong buwan ng Marso ang may 195 benepisyaryo.

Ang Navotas ay nagkakaloob din sa mga nagdarahop na solo parents ng P1,000 educational assistance kada taon, dagdag pa ang House Bill 8097 kung saan isa si Cong. John Rey Tiangco ang umakda na nagpapalawak sa benepisyo ng mga solo parents, kabilang ang P1,000 subsidy, 10% diskuwento sa VAT, awtomatikong miyembro ng Philhealth at pitong araw na parental leave na babayaran sa kanila.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-3478363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE