Bong Go

Bong Go: Seniors tulungan, ‘wag na pakayurin

August 11, 2022 People's Journal 102 views

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go, ang gobyerno na palakasin ang pagprotekta at pagtataguyod sa kapakanan ng mga senior citizen sa halip na sila ay patuloy na pagtrabahuhin habang sila ay tumatanda.

“Pag-aralan natin nang mabuti. Kung makakatulong naman po sa pamilya, kung kakayanin pa po ng senior na magtrabaho,” ani Go nang tanungin kung sinusuportahan niya ang panukalang pagtanggal ng age-based restrictions para sa trabaho sa isang ambush interview matapos personal na magbigay ng tulong sa mga nahihirapang residente sa Taytay, Rizal.

“S’yempre para sa akin, panahon na rin po nila na makapagpahinga bilang mga senior citizen. ‘Wag na po natin silang pahirapan pa at pagtrabahuhin pa. Kung meron pong maitutulong ang gobyerno sa kanila, they deserve naman po na makapagpahinga. Pero importante hindi sila magugutom, may ikabubuhay po sila,” ani Go

Sinabi ni Go na pagkatapos ng maraming taon ng trabaho, ang mga senior citizen ay dapat magkaroon ng pagkakataong makapagpahinga, at dapat na gawin ng gobyerno ang lahat ng pagsisikap upang mapadali ito.

“Ako my personal take dito, ‘yung mga senior kaya nagbibigay tayo ng pensyon sa mga nagtatrabaho sa gobyerno, they deserve it. After 45 years of working, panahon na rin po na mag-enjoy naman po sila sa kanilang buhay,” ani Go.

“Ang lifespan ng buhay natin, 60, 70, 80, tapos pagtatrabahuhin pa… the more we should help them… Kung kailangan o gusto talaga magtrabaho, pag-aralan po natin (paano natin sila matutulungan),” dagdag ng senador.

Muling iginiit ng senador na hindi siya sang-ayon sa pag-oobliga sa mga senior citizen na magtrabaho upang mabuhay at dapat gawin ng gobyerno ang lahat upang maiwasan ang naturang pagpili na maging isang pangangailangan para sa kanila.

“Para obligahin nating magtrabaho, hindi po ako sang-ayon. Importante po walang magutom, walang maghirap,” idiniin ni Go.

“Kung kailangang tulungan ng gobyerno, tulungan po natin. Kaya nga tayo mayro’ng mga iba pang programa mula sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) para sa ating mga senior citizens,” anang pa ng mambabatas.

Una rito, idineklara ng pinuno ng National Economic and Development Authority na si Arsenio Balisacan ang kanyang suporta para sa isang panukalang magtatanggal sa kinakailangang edad ng pagreretiro at hayaan ang mga nakatatanda na may edad 65 pataas na magpatuloy sa pagtatrabaho.

Hiniling din ng punong ekonomista ng bansa sa pribadong sektor na kumuha ng mga nakatatanda na nasa mabuting pisikal at mental na kalusugan.

Samantala, ibinahagi ni Go na naghain siya ng panukalang naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho para sa mga kuwalipikadong miyembro ng mahihirap na sambahayan sa mga rural na lugar na handang gumawa ng unskilled manual work sa loob ng ilang panahon. Ito ay para matugunan ang epekto ng pandemya sa mga displaced workers.

“Ngayon, nagfile po ako ng bill, itong Senate Bill No. 420, to institutionalize the provisions of Temporary Employment Assistance to Displaced Workers in Rural Communities,” ani Go.

Sa ilalim ng kanyang panukala, magkakaroon ng Rural Employment Assistance Program sa ilalim ng Department of Labor and Employment, na magbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga kwalipikadong indibidwal na mahihirap, disadvantaged, displaced workers na handang magtrabaho nang hindi bababa sa sampung araw, ngunit hindi hihigit sa 90 araw sa isang taon ng kalendaryo.

Ang Local Social Welfare and Development Officers, sa malapit na koordinasyon sa DOLE at DSWD, ay magsasagawa ng pagtatasa at survey sa lahat ng mahihirap, disadvantaged o displaced na indibidwal na nagpapahiwatig ng interes sa trabaho sa ilalim ng REAP.

AUTHOR PROFILE