Bong Go

Bong Go sa West PH sea: Kung ano ang atin ay atin!

December 15, 2022 People's Journal 165 views

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na tiyaking mapangangalagaan at mas pauunlarin ang interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng isang insidente na naganap noong Nobyembre 2022 nang puwersahang kolektahin ng China Coast Guard mula sa isang barko ng Philippine Coast Guard ang ilang labi mula sa isang Chinese Long March 5B rocket na bumagsak sa loob ng Pag-asa Islands.

Sa isang maikling manifestation speech bilang tugon sa privilege speech ni Senator Francis Tolentino, binanggit ni Go ang Article XII, Section 2 ng 1987 Constitution na nagsasabing [t]he country’s national interest and welfare of all Filipinos should always be our paramount consideration when it comes to the West Philippine Sea issue.”

Ang seksyon ay nagsasaad na “The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.”

“Ito po ang mandato sa atin ng Saligang Batas, ang protektahan, isulong at ipaglaban kung ano ang sa atin,” sabi ni Go.

Binigyang-diin din ni Go na kahit si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay tiniyak ang karapatan ng ating bansa sa West Philippine Sea.

“Mr. President, sa kabila ng masalimuot na isyu sa West Philippine Sea, ang interes ng bansa at ng lahat ng Pilipino ang dapat magsilbing gabay sa ating laban,” aniya.

“Binalanse po ng dating Pangulo ang karapatan, kapakanan, at kakayahan ng ating bansa sa paggamit nito,” idinagdag ni Go.

Inamin ni Go na ang bansa ay kulang sa kakayahang pangmilitar kumpara sa ibang umaangkin sa West Philippine Sea, ngunit binigyang-diin niya na hindi nito dapat isuko ang kahit maliit na bahagi ng teritoryo nito.

“Maaaring wala po tayong sapat na kakayahan pagdating sa military capability sa ngayon, but we should not give up even an inch of our territory. Kung ano ang atin ay atin. Ipaglaban natin kung ano ang atin,” diin ni Go.

Dahil dito, iginiit ni Go ang pagiging mahinahon at nagpahayag ng pag-asa na malulutas ng mga claimant na bansa ang hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.

“Bilang isang mambabatas, hangad ko na sana lahat ng hindi pagkakaintindihan sa West Philippine Sea ay naidadaan sa maayos at diplomatikong usapan,” ani Go.

“Mahalaga ang papel ng diplomasya rito at importanteng bukas po tayo sa maayos at tapat na pag-uusap sa ibang bansa. Hindi po natin kakayanin na may madamay, masaktan, o magbuwis ng buhay ng ordinaryong Pilipino sa gusot na ating kinahaharap sa isyung ito,” pahabol ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE