Bong Go

Bong Go: Sa liblib, mahirap na lugar itatayo ang Super Health Centers

February 11, 2023 People's Tonight 200 views

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na mas maraming Super Health Centers ang itatayo sa mga liblib at rural na lugar upang madali itong ma-access o mapuntahan ng mga kababayan nating mahihirap na nangangailangan ng basic health services.

Kasama ang Department of Health at mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng San Carlos, Negros Occidental, sa pangunguna ni Mayor Rene Gustilo at Vice Mayor Criston Carmona, pinangunahan ni Sen. Go ang groundbreaking ng Super Health Center sa nasabing bayan.

“Ang isinusulong ko pong mga proyekto sa ngayon ay ito pong inisyatiba natin sa Super Health Center. Sa tulong po ng mga kasamahan ko sa Kongreso at mga local government officials ay (napondohan) po ang 307 na Super Health Centers noong 2022 at 322 na Super Health Centers sa 2023. At napakarami po dito sa Negros Occidental, pito noong 2022 at 18 na Super Health Center ngayong 2023,” paliwanag ni Go na personal ding nanguna sa relief operation sa Don Salvador Benedicto noong araw ding iyon.

Ang Super Health Center ay isang pinahusay na bersyon ng rural health unit. Nag-aalok ito ng mga serbisyong pangkalusugan kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray at ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit.

Ang iba pang magagamit na serbisyo ay sa mata, tainga, ilong at lalamunan (EENT); mga sentro ng oncology; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine.

Sa lalawigan ng Negros Occidental, may kabuuang 25 Super Health Centers ang napondohan upang maitayo.

“Mas malaki lang po siya sa rural health unit, mas maliit sa ospital at makakatulong po ito sa mga munisipyo lalo na po ang mga 5th class, 6th class municipalities na may tulong (at) access sa medical services. Napansin ko sa kakaikot ko noon, ang mga buntis nanganganak na lang po sa tricycle, sa jeep dahil napakalayo ng byahe papunta sa ospital,” ani Go.

“Ngayon po, magkakaroon sila ng Super Health Centers sa kanilang munisipyo, even 6th class municipalities magkakaroon. Pwede nang manganak doon sa loob ng Super Health Center ang mga buntis, hindi na kailangang ibiyahe pa sa malalayong lugar. In fact, ang mga buntis dito pwede na silang manganak kapag andyan na po ang Super Health Center sa kanilang mga komunidad,” ayon sa mambabatas.

Alinsunod din sa kanyang pangako na tulungan ang mga pasyenteng kapos sa pananalapi sa buong bansa, pinaalalahanan ni Go ang mga benepisyaryo na mayroong Malasakit Center sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City kung saan ang mga programa ng tulong medikal ng gobyerno ay mas madaling maabot.

Ang Malasakit Centers Act of 2019 ay pangunahing isinulat at itinataguyod ni Go.

Sa ngayon, mayroong 154 operational Malasakit Centers sa buong bansa.

Ipagdiriwang ng Malasakit Centers program ang ikalimang taong anibersaryo nito ngayong buwan.

Bukod sa groundbreaking, personal ding pinangunahan ng senador ang dalawang relief operations sa mga biktima ng Bagyong Paeng sa lungsod at sa bayan ng Don Salvador Benedicto.

AUTHOR PROFILE