Bong Go

Bong Go sa COA, Ombudsman: Kasuhan, ipakulong ang mga tiwali sa gobyerno

August 28, 2021 People's Tonight 499 views

IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go na siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi tumitigil sa paglaban sa korapsyon at kailanman ay hindi ikokompromiso ang kampanya nilang ito para lang sa kapakanan ng iba.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, muling ipinagdiinan ni Go na wala dapat pondo ng gobyerno na nawawala dahil sa korapsyon.

“As a senator and member po of the Blue Ribbon Committee, nakikiisa po ako sa inyo rito at kasama n’yo po ako dito na gustong malaman ang katotohanan,” sabi ni Go.

“Panagutin po ang dapat panagutin, kasuhan po ang dapat kasuhan, ikulong po ang dapat ikulong. Seryoso po si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa korapsyon, wala kaming pinapalampas kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling basta napatunayang sangkot ka sa korapsyon, dapat kang managot,” idinagdag niya

Nanawagan din si Go sa Commission on Audit at sa Ombudsman na magsiyasat at maghain ng kaso laban sa mga mapatunayang responsable sa korapsyon at iba pang anomalya.

“Kaya nga po nakikiusap ako sa COA, sa Ombudsman na imbestigahan, panagutin ang may anomalya. Kaya nga po may COA, Ombudsman, at Sandiganbayan tayo – imbestigahan, kasuhan, at ikulong ang dapat managot,” ayon kay Go.

“Iyan naman po ang trabaho nila para matigil na po ang mga haka-haka dahil sabi ko nga unfair naman po ito sa mga nagtatrabaho po nang matino,” idiniin ng senador.

Sinabi ni Go na may ilang indibidwal na maagang nanghuhusga sa mga isyu kahit wala pang malinaw na katibayan.

Kaya umapela siya sa mga kapwa mambabatas at sa publiko na maging parehas at hayaang mangibabaw ang due process.

“Labanan po ito ng perception. Kawawa naman po ‘yung napagbibintangang magnanakaw dahil lang sa obserbasyon na hindi pa naman pinal o conclusive. Findings pa lang ay nahuhusgahan na sila. Kawawa naman ‘yung mga nadadamay na tao na wala namang kaalam-alam. Binigyan naman ang DOH ng 60 days (ng COA) para sagutin or i-rectify ang mga obserbasyon sa kanila,” anang mambabatas.

“May proseso po tayong dapat sundin, bigyan po natin sila ng pagkakataon na sagutin. Kung hindi masagot o hindi ma-account, kasuhan na po kaagad natin dahil importante po ang bawat piso na pondo po ng bayan. Marami po ang nangangailangan lalong-lalo na po nasa krisis tayo ngayon,” ayon pa kay Go.

Ipinagdiin ni Go na walang sini-sino si Pangulong Duterte sa patuloy na kampanya laban sa corruption, criminality at illegal drugs, sa pagsasabing walang paliligtasin–kabilang ang mga tagasuporta—kapag napatunayang sangkot sa katiwalian.

“He PRRD means business, kapag may kinalaman, tuluyan na. Yariin na po natin. Kapag pumasok ka sa korapsyon, yari ka talaga. Iyan naman ang isa sa mga una niyang ipinangako sa mga kababayan natin, campaign against illegal drugs, criminality and corruption,” ani Go.

“Ang mahalaga dito ang polisiya namin ni Pangulong Duterte kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling, kahit tumulong ka pa noong election kay Pangulong Duterte, kapag pumasok ka sa korapsyon, yari ka talaga. Pero kung wala naman, itigil na lang po ang pang-iintriga sa kapwa. Kawawa naman po,” aniya pa.

‘Hindi ko aide si Lao’–Go

MULING nilinaw ni Senator Bong Go sa pagdinig ng Senado na hindi niya kailanman naging aide si dating Department of Budget and Management Undersecretary Lloyd Christopher Lao, na ngayo’y kinakaladkad sa mga transaksyong ginawa ng DBM Procurement Service sa simula ng pandemya.

“Sa muli, inuulit ko po for the nth time— hindi ko aide o hindi ko po tauhan si Atty. Lloyd Lao. Kailanman, hindi po siya directly reporting sa akin na tauhan talaga. Iba ‘yung aide na tauhan mo na nagre-report sa’yo. May sarili siyang trabaho. May sarili siyang buhay,” ani Go na nagsilbi bilang Special Assistant to the President (SAP) bago naging senador.

Si Go, naging SAP simula 2016 hanggang 2018, ay nagsabing si Lao ay isa lamang sa maraming empleyado sa Malacañang noong siya pa ay nagtatrabaho sa Palasyo.

Si Lao ay nagsilbi namang PMS undersecretary simula 2016 hanggang 2017.

“Si Lao ay isa lang sa daan-daang empleyado o opisyal doon sa Malacañang noon. He was appointed to the Presidential Management Staff at the start of President Duterte’s term until early 2017. After which, he was appointed nga po to HLURB and later to the DBM in 2019 before resigning last June of this year,” ani Go.

Idiniin ng senador na hindi siya nanghihimasok sa pang-araw-araw na operasyon at pamamahala sa iba’t ibang opisina sa ilalim ng Office of the President noong siya ay SAP. Ang kanyang papel ay oversight function lamang.

“As Special Assistant to the President then, I was not involved in the day-to-day operations and management of (these units in) the Office of the President.”

“Limitado lang ako sa administrative and supervisory functions, sinisiguro na nagagawa nila ang kanilang mga mandates, maipatupad ang mga improvements sa mga sistema at proseso para mas maging efficient at effective po ang opisina po ng Office of the President,” idinagdag ni Go.

Nagprisinta rin si Go dokumento sa Senado ukol sa service record ni Lao, salary information, at plantilla itemization ng OSAP noong 2016 na nagpapatunay na si Lao ay opisyal na parte ng PMS at hindi direktang nagre-report sa kanyang tanggapan.

Samantala, muling ipinaalala ni Go sa public officials na hindi sumusunod sa anti-corruption policies ng Pangulo na mananagot sila sa kanilang mga aksyon.

“Gaya ng sabi ko, ang pangunahing bilin nga ng Pangulo sa kanyang mga ina-appoint, hindi po siya nakikialam paano po nagtatrabaho ang mga tao niya, ito lang po ang sinasabi niya…: ‘Just do what is right and avoid corruption.’ Kapag ginagawa mo ang tama at inuuna mo ang interes ng mga Pilipino, suportado ka namin,” anang senador.

“Wala kaming pinipili ni Pangulong Duterte sa laban kontra korapsyon, kriminalidad, at iligal na droga. Kung mapatunayang may kasalanan talaga, kasuhan na agad para matapos na ang isyung ito at mas matutukan na natin ang laban kontra sa pandemya,” pahabol pa niya.

AUTHOR PROFILE