Duterte

Bong Go: Proactive approach vs kalamidad, panahon na

April 5, 2022 People's Journal 72 views

Go-DuterteBinigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang napapanahon o pangangailangang magsagawa ng mas maagap na diskarte sa pagharap sa mga natural na kalamidad sa bansa.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos niyang samahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-inspeksyon sa evacuation center sa Mataasnakahoy, Batangas noong Lunes, Abril 4.

Ang evacuation center sa Mataasnakahoy ay isa sa tatlong evacuation center na estratehikong matatagpuan sa tatlong munisipalidad sa loob ng lalawigan ng Batangas, pero sa labas ng danger zone ng Taal Volcano.

Ang dalawa pa ay matatagpuan sa mga bayan ng Sta. Teresita at Alitagtag. Ang lahat ng center ay itinurn-over sa kani-kanilang mga munisipal na pamahalaan ng Department of Human Settlements and Urban Development noong Marso 30.

Dumalo rin sa inspeksyon sina Mataasnakahoy Mayor Janet Ilagan at DHSUD Secretary Eduardo del Rosario, gayundin ang iba pang opisyal at kawani ng DHSUD at ng munisipal na pamahalaan ng Mataasnakahoy.

Itinayo ang evacuation center, ayon sa specifications and requirements na inaprubahan ng Pangulo. Kasama sa mga pasilidad ang administrative office, clinic, kusina at mess hall, magkahiwalay na female at male comfort room, prayer room, conjugal room, children’s section at storage room, bukod sa iba pa.

Itinatag ang mga ito bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kahandaan ng bansa sa mga natural na kalamidad at iba pang kalamidad.

Si Go, na madalas maglibot sa bansa para tumulong sa mga biktima ng natural at gawa ng tao na mga sakuna, ay nagpahayag ng kalungkutan na ang mga biktima ay karaniwang pansamantalang naninirahan sa mga barangay center, paaralan, plaza, gymnasium, o basketball court na hindi angkop bilang pansamantalang tirahan.

“Kailangang magpatayo tayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na merong sapat na mga emergency packs, katulad ng blankets, tubig, gamot, flashlight at ready na relief goods,” ani Go.

“Obligasyon ng gobyerno na palaging magiging handa na tumulong sa oras ng sakuna,” idiniin niya.

Kaya naman muling umapela si Go para sa pagpapasa ng isang batas para sa mandatoryong paglikha ng ligtas at maayos na mga gamit, evacuation center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong Pilipinas.

Binigyang-diin niya ang kagyat na pangangailangang kumilos sa disaster resilience measures gaya ng kanyang Senate Bill No. 1228 o ang “Mandatory Evacuation Center Act” na kanyang inihain noong 2019 upang matiyak na ang mga biktima ng mga sakuna ay magkakaroon ng mga pansamantalang tirahan na maggagarantiya sa kanilang kaligtasan.

“When disaster strikes, the Filipinos, especially ‘yung mga underprivileged, suffer. In most instances, this disaster renders their homes unlivable, leaving the victims without roofs. Ibig sabihin nasisira ang mga bahay, marami pong apektado,” ani Go.

“Minsan po, ‘di nagagamit ang mga paaralan kapag ginagamit ang mga eskwelahan (bilang evacuation centers)… Kaya panahon na po magkaroon tayo ng evacuation center sa bawat bayan,” giit niya.

Kasalukuyang nakabinbin ang SBN 1228 sa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, kasama ang SBN 205, na inihain din ni Go noong 2019 para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience.

Dahil sa kahinaan ng bansa sa mga natural na sakuna, sinabi ni Go na mas kritikal ang pagpapasa ng mga panukalang batas sa lalong madaling panahon, dahil dapat maging maagap ang gobyerno sa pagtugon sa mga ganitong kalamidad.

“Talagang napapanahon na. ‘Yun po ang aking isinusulong na dapat maipasa na po ito. At huwag na natin hintayin ang panibagong sakuna,” ayon sa senador.

AUTHOR PROFILE