Bong Go

Bong Go: OFW Hospital ‘Pamana ni PRRD sa OFWs

May 2, 2022 People's Journal 179 views

Bong Go

MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na magbigay ng mas magandang serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan para sa mga Pilipino, lalo sa mga migranteng manggagawa na itinuturing na modernong bayani ng bansa.

Noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, kasama ni Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-inspeksyon sa kauna-unahang Overseas Filipino Workers Hospital sa San Fernando City, Pampanga. Kasama rin nila ang iba pang opisyal ng gobyerno, kabilang sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Executive Secretary Salvador Medialdea, at Department of Health Secretary Francisco Duque III.

Habang isinagawa ang inspeksyon, ginabayan at binigyan ng briefing ang Pangulo nina Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, Philippine General Hospital Director Gerardo Legaspi, at OFW Hospital Administrator Dr. Jose Dante Dator.

“Ngayon, nasasaksihan natin ang pag-inspeksyon sa Ospital ng OFW na magiging isa sa mga pamana ng administrasyong Duterte na maggagarantiya ng dekalidad na pangangalagang pangkalusugan sa ating mga makabagong bayani – ang ating overseas Filipino workers,” pahayag ni Go.

“Ang Ospital ng OFW ay isang natupad na pangako na nagsisilbing patunay kung gaano namin pinahahalagahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sakripisyo at kontribusyon ng ating mga minamahal na OFWs,” dagdag ni Go.

Ang 1.5-ektaryang ospital ay donasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga at nakatakdang simulan ang operasyon nito bilang polyclinic sa Mayo 2 at inaasahan ang buong operasyon sa katapusan ng Hunyo. Ito ay isang anim na palapag na pasilidad na may 100-bed capacity na magsisilbi sa mga OFW at kanilang kwalipikadong dependent.

Bukod sa pangangalagang medikal, magsasagawa rin ang pasilidad ng pananaliksik sa pag-iwas, pangangalaga at paggamot sa mga sakit sa trabaho na karaniwan sa mga OFW gayundin ang pagbibigay ng espesyal na pagsasanay para sa mga manggagawang pangkalusugan sa pagpapatupad ng mga serbisyong pangkalusugan sa trabaho na partikular sa OFW.

Tiniyak naman ni Go na uunahin ng OFW hospital ang kapakanan ng mga modernong bayani ng bansa, na binibigyang-diin na ang mga OFW ay dapat na makatanggap ng pinakamataas na antas ng serbisyong pangkalusugan.

“Alam natin ang sitwasyon na pinagdaanan ng ating mga OFW. Hindi po nababayaran ang lungkot, lalung-lalo na kung napapalayo sa mga mahal sa buhay para lang may pangtustos sa gastusin ng pamilya at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak,” sabi ni Go.

“Kaya mahalaga ang OFW Hospital na ito dahil sinusuklian natin kahit papaano ang sakripisyo nila sa pamamagitan ng mas maayos at magandang serbisyong pangkalusugan na para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Hindi dagdag na problema ang dapat ibigay sa kanila, kundi mabilis, maayos, at maaasahang serbisyo na may tunay na malasakit,” idiniin ng senador.

Isang matatag na tagapagtaguyod ng mga karapatan ng mga migranteng manggagawang Pilipino, si Go ay nag-akda at nag-co-sponsor din ng Republic Act No. 11461 na nagtatakda para sa paglikha ng Department of Migrant Workers.

Bilang isa sa mga priority legislative measures ng Duterte administration, ang DMW ay magsisilbing lead agency para sa pagtiyak ng proteksyon, pagtataguyod ng mga interes, napapanahong paglutas ng mga problema, at epektibong reintegration ng mga Filipino migrant workers.

“Ngayon, hindi na kailangang pagpasa-pasahan pa ang mga OFW dahil may iisang ahensya na lamang na nakatutok sa kanilang mga hinaing,” ani Go.

AUTHOR PROFILE