Bong Go itinulak Magna Carta of Filipino Seafarers
ISINULONG ni Senator Christopher “Bong” Go ang isang panukalang kikilala sa mga karapatan at kontribusyon ng mga marino sa bansa na kung maipapasa, bibigyan sila ng proteksyon na kailangan nila bago, habang at pagkatapos ng kanilang trabaho.
Sa kanyang Senate Bill 1191, layon ni Go na matiyak ang karapatan ng mga marino sa bansa sa disente at makataong trabaho gayundin ng pagtatakda ng gabay para sa kanilang pagsasanay, trabaho sa ibang bansa at pagreretiro.
Sa pangkalahatan, ang panukala ay magtatag ng mga mekanismo sa pagpapatupad ng proteksyon at benepisyo sa mga Pilipinong marino.
“Ang Pilipinas ay naging pangunahing tagapagtustos ng maritime labor at itinuturing na manning capital ng mga marino sa buong mundo mula noong 1987. Sa 1.5 milyong marino sa buong mundo, 25% ay Filipino sea-based worker at ginagawa silang nag-iisang pinakamalaking nationality bloc sa industriya ng maritime,” ayon kay Go.
Sa kabila ng panganib na kaakibat ng trabahong marino, maraming Pilipino ang pinili ang propesyon at isinugal ang buhay para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Go na ang remittance ng mga marinong Pilipino ay tunay na naging kapaki-pakinabang sa ekonomiya ng Pilipinas. Sa katunayan, nag-ambag sila ng US$6.54 billion o humigit-kumulang 21% ng kabuuang OFW remittances noong 2021.
Binigyang-diin ng senador na dapat pahusayin at palakasin ang mga hakbang sa pagtupad sa mga tungkulin at obligasyon nito bilang ika-30 Member State na nagratipika sa International Maritime Labor Convention of 2006 (MLC).
“Panahon na para sa gobyerno na magpasa ng karagdagang batas na makikinabang ang mga Pilipinong marino at bigyan sila ng mga karapatan na naaayon sa mga pamantayan ng MLC,” idiniin ni Go.
Isinasaad ng Magna Carta ang mga karapatan ng mga marino, kabilang ang karapatan sa makatarungang mga tuntunin at kundisyon ng trabaho, sariling organisasyon, pagsulong sa edukasyon at pagsasanay, impormasyon at konsultasyon, patas na pagtrato sakaling magkaroon ng aksidente at laban sa diskriminasyon.
Kasama rin dito ang mga probisyon na may kaugnayan sa sahod, oras ng trabaho at pahinga, pag-alis, at mga benepisyo sa kapakanang panlipunan.
Ipag-uutos din sa mga may-ari ng barko na magbigay ng pangangalagang medikal, kapwa sa mga nasa barko at pampang, pati na ng financial security system upang tulungan sila sakaling magkaroon ng pinsala.
Higit pa rito, tinutugunan ng iminungkahing panukala ang mga isyu na may kaugnayan sa repatriation at reintegration, at tinutukoy ang mga tungkulin ng marino, may-ari ng barko, at ng gobyerno sa mga gawaing ito.
Pinagtibay ng panukalang batas ang Committee Report No. 289 ng Senate committee on labor, employment and human resources development ng 18th Congress na produkto ng malawakang pag-aaral at konsultasyon.
“Lagi kong ipinangangako na ipaglalaban ko ang mga karapatan at interes ng ating mga marino at kanilang mga pamilya… Ako ay walang humpay sa paghahangad ng interes at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, kabilang ang mga marino,” ayon sa senador.