Bong Go

Bong Go: Ilang laman ng 1987 Constituion ‘di na nakatutulong sa pagsulong

September 26, 2022 People's Journal 110 views

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na ang 1987 Constitution ay maaaring naglalaman ng mga probisyon na luma na o hindi na nakatutulong sa pag-unlad at pagsulong ng bansa kasabay ng mga mabibigat na suliranin ngayon.

“Ang 1987 Philippine Constitution ay 35 years old na. Ni minsan, hindi ito naamyendahan. Kaya suportado ko ang mga inisyatibo na pag-aralang muli ang mga probisyon nito na pwedeng gawing mas akma sa hamon ng makabagong panahon,” sabi ni Go.

“Tandaan natin na napakaimportante ng ating Saligang Batas. Dito nakasalalay ang ating demokrasya at soberanya. Kaya ang anumang iminumungkahing pagbabago sa dokumentong ito, dapat ay mailatag at mapaintindi ito sa mga tao dahil sila naman ang dapat na magbenepisyo rito,” idinagdag ng senador.

Hinimok niya ang mga opisyal ng gobyerno at mga interesadong partido na pag-aralan ang mga panukalang amyendahan sa 1987 Constitution upang maiangkop sa kasalukuyang sitwasyon.

“Thirty-five years na po ang Constitution, pag-aralan nating mabuti na magiging akma po ito sa present-day situation natin dahil maaaring may mga probisyon sa loob ng constitution, na maaaring hindi na akma sa panahon ngayon,” ani Go matapos niyang personal na pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa mga naghihirap na residente ng Malabon City.

Iginiit ni Go na kung magkakaroon ng mga pagbabago, dapat ay para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino.

“Pero ulitin ko, kung anuman po ‘yung babaguhin natin at pag-aaralan po natin dito, dapat po ang taumbayan po ang makikinabang, lalo na ang mahihirap po,” ani Go.

“Hindi po dapat pulitiko ang makinabang dito. Dapat ang taumbayan at mahihirap po ang makinabang kung papaano natin mai-improve ang kanilang sitwasyon kung sakaling babaguhin nga ang ating Saligang Batas,” aniya pa.

Kamakailan, si Juan Ponce Enrile, Chief Presidential Legal Counsel, ay nagsabi ring dapat nang maamyendahan ang 1987 Constitution. Ginawa niya ang pahayag noong Miyerkules sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Revisions.

Nauna nang nagpahayag si Go ng kanyang suporta sa paglilipat sa federalismo, at sinabing ito ay magsusulong ng higit na patas na pag-unlad ng mga rehiyon sa buong bansa. Binanggit ng senador na ibinahagi rin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pananaw na ito.

“Kaya ako ay kaisa ng ating chairman, Senator Robinhood Padilla, sa kanyang panawagan na lumipat sa federalismo. Hindi naman po kaila sa atin na iyon po ang pinangarap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Go.

“Greater benefits of a stronger local government are ensured and the lives of Filipinos are prioritized,” anang senador sa pagsasabing titiyakin nito na ang totoong partisipasyon at decision-making ay mangyayari sa ibaba.

“Lahat dapat kasama, walang maiiwan,” idiniin niya.

“Kaya para sa akin, kung gagalawin man po ang Konstitusyon, dapat po na ang makikinabang ay ang taong bayan. Dapat po ang interes at kapakanan nila ang maproteksyunan, hindi po ng mga pulitiko,” iginiit ng mambabatas.

AUTHOR PROFILE