Bong Go

Bong Go iginiit sapat na budget sa CHED, SUCs

October 5, 2023 People's Tonight 262 views

MULING iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat ibigay ang sapat na panukalang 2024 National Expenditure Program para sa State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED), gayundin sa Development Academy of the Philippines (DAP).

Sinabi ni Go na ang edukasyon ang pundasyon ng pag-unlad ng bansa kaya sinusuportahan niya ang mungkahing badyet para sa CHED, DAP, at SUCs dahil sila ay instrumento sa paghubog sa mga susunod na lider.

Patuloy na isinusulong ni Go ang komprehensibong mga hakbang para mapahusay ang sektor ng edukasyon sa bansa.

“Nanawagan ako ng pagkakaisa at pakikipagtulungan ng SUCs kasama na ang CHED at iba pang ahensya ng gobyerno, at mga kapwa ko mambabatas na patuloy nating isulong ang mga inisyatibo para sa kinabukasan ng mga kabataan dahil ang maayos na edukasyon ang tanging puhunan natin sa mundong ito,” iginiit niya.

Naging vocal advocate para maging top priority ang edukasyon, nangako ang senador na susuportahan ang mga patakarang hindi lamang magpapalakas sa sektor ng edukasyon kundi maging ang kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Si Go ay kasamang sumulat at nag-sponsor ng Senate Bill No. 1359, kilala bilang No Permit, No Exam Prohibition Act. Ang panukalang ito ay naglalayong parusahan ang mga institusyong pang-edukasyon na pumipigil sa mga mag-aaral na kumuha ng pagsusulit dahil sa hindi nabayarang matrikula o iba pang bayarin sa paaralan.

Ang isa pang panukalang batas na co-author at co-sponsor ang senador ay ang SBN 1864 o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado. Ito ay idinisenyo upang mag-alok ng kaluwagan sa mga mag-aaral na hindi makabayad ng utang dahil sa mga hindi inaasahang sakuna at emergency.

Naghain din si Go ng SBN 1190 na magpapalawak sa layunin ng Special Education Fund ng local government units para sa operasyon ng mga pampublikong paaralan, pagbabayad ng suweldo at benepisyo para sa teaching at non-teaching personnel, competency training, operasyon ng Alternative Learning System (ALS) at pananaliksik sa edukasyon.

Co-author din siya ng SBN 94 o Teaching Supplies Allowance Act of 2022 para madagdagan ang taunang “chalk allowance” ng mga guro nang sa gayon ay maibsan ang pinansiyal na pasanin nila sa pagbili ng mga gamit sa silid-aralan.

Siya rin ang nag-co-author at nag-co-sponsor ng SBN 1360 na magpapalawak sa saklaw ng tertiary education subsidy (TES) sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access To Quality Tertiary Education Act.

“Kung maipasa natin ito, mas mabibigyan ng pagkakataon ang qualified and deserving students na makakuha ng kalidad na edukasyon,” anang senador.

Sinabi ni Go na ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa akademiko kundi tungkol din sa paglikha ng holistic na kapaligiran kung saan ang mga mag-aaral ay maaaring umunlad sa pag-iisip, emosyonal, at pisikal.

AUTHOR PROFILE