Nora

Bong Go ibinuking ni Nora Aunor

June 11, 2024 People's Tonight 49 views

‘Mahiyain pero hardworking’

SA isang homemade video na napanood ng maraming kapwa Bicolano, ibinuking ni National Artist for Film and Broadcast Arts at Philippine Cinema legendary “Superstar” Nora Aunor ang isang katangian ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi alam ng marami.

“May sikreto akong isi-share sa inyo. Alam n’yo po ‘yang si Kuya Bong Go, naku! Masyado hong mahiyain. Totoo po yan,” ani Ate Guy.

“Ayaw n’yang ipagmalaki ang napakarami na n’yang nagawa para sa milyon-milyong Pilipino. Trabaho lang nang trabaho yan,” ang sabi pa ni Aunor na napakinggan at napanood ng mga dumalo sa isang okasyon sa Albay Astrodome sa Legazpi.

Nagtungo sa lalawigan ng Albay ang senador para sa serye ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor na nangangailangan ng suporta. Pangunahing adbokasiya ni Go na gawing mas accessible ang mga serbisyo ng gobyerno, lalo na sa pinakamahihirap na Pilipino.

Hinikayat ni Aunor ang kanyang mga kababayan na iparamdam din sa senador ang pagiging mapagmalasakit ng mga Bikolano.

“Alam ko po na tulad ng pag-aalaga ninyo sa akin ay hindi n’yo po pababayaan ang ating pinakamamahal na senador. Ipadama n’yo kung paano magmalasakit ang mga Bikolano gaya na lamang ng pagmamalasakit niya sa ating lahat lalo na sa mga kapos sa buhay,” anang national artist.

Si Aunor ay isang napakalaking pigura sa Philippine cinema. Nagsimula ang kanyang karera sa pagkapanalo sa isang kompetisyon sa pag-awit, ngunit mas sumikat sa pag-arte. Tinaguriang “The Superstar,” si Aunor ang may hawak ng record na pinakamaraming nominasyon sa FAMAS Award para sa Best Actress at isang Hall of Famer.

Ayon sa aktres, nasaksihan niya ang work ethic ni Go at kaya niya itong patunayan o ipagmalaki.

“Ngayon lang ako nakakilala ng katulad ni Senator Bong Go. Walang pinipiling lugar, walang pinipiling oras at lalong walang pinipiling katayuan sa buhay. Lahat ng Pilipino para sa kanya ay mahalaga.”

Ayon kay Aunor, ang genuine sa mga inisyatiba ni Go ay ang kanyang personal touch.

“Isa siyang tunay na tao na kung magserbisyo (ay) personal, harapan. Hindi (para) sa TV o Facebook lang. Hindi po pilit. At higit sa lahat, may malasakit.”

Kaya naman hinimok ng bantog at alamat ng pelikula ang mga kapwa Bikolano, gayundin ang iba pang Pilipino na ibahagi ang kanilang mga kuwento ng ‘malasakit’ at ‘serbisyo’ sa ngalan ng abang senador upang mas marami ang makinabang sa inisyatiba nito.

“Ako naman ang makikisuyo sa inyo o makiusap. Gawin natin ito para sa kanya. Tayo na mismo, tayo na po ang magkwento at magbalita sa iba kung gaano tayo kaswerte at kung gaano tayo kamahal ng nag-iisang Mr. Malasakit, ang ating si Senator Kuya Bong Go,” sabi ni Aunor.

Si Go, na kilala rin bilang “Ama ng Malasakit Center Program” ay malawak na itinuturing ng kanyang mga kasama bilang isa sa, kung hindi man ang pinakamasipag na opisyal ng gobyerno, ay nakatuon sa personal na pag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga Pilipino.

Ang Malasakit Centers ay one-stop shop na tumutulong sa mahihirap na pasyente para mabawasan ang kanilang mga gastos sa ospital sa pinakamaliit na posibleng halaga.

Na-institutionalize sa pamamagitan ng RA 11463 na pangunahin niyang iniakda, ang Malasakit Centers ay nakatulong na sa higit-kumulang 10 milyong Pilipino, ayon sa Departmenrt of Health (DOH).

AUTHOR PROFILE