Bong Go

Bong Go: ‘Bitay sa plunder, droga’

June 5, 2022 People's Journal 97 views

Pati sa planting of evidence ng law enforcers

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagnanais na muling maghain ng panukala sa susunod na Kongreso na magbabalik ng parusang kamatayan para sa ilang karumal-dumal na krimen sa bansa.

Noong Hulyo 2019, isinulong ni Go ang Senate Bill No. 207 na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan para sa iligal na droga at pandarambong.

Dahil nabigong maipasa ang panukalang batas sa 18th Congress, nagpahayag ang senador ng kanyang pagnanais na muling ihain ito.

“Anyway, pwede naman tayong mag-file ulit kung gusto natin. Itong SB 207, reinstating the death penalty for certain heinous crimes involving dangerous drugs and plunder,” ani Go sa ambush interview matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City.

Binigyang-diin ni Go na ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay naaayon sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian. Dagdag pa niya, maaaring pigilan ng batas ang mga gawaing kriminal.

“Ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga, kriminalidad at korapsyon sa gobyerno ay dapat ipagpatuloy. Sayang po ‘yung gains na ginawa natin,” paliwanag niya.

“‘Pag bumalik po ang droga, babalik na naman po ang korapsyon at kriminalidad. Kasi makokorap na naman ‘yung tao ‘pag nandyan ‘yung droga,” idinagdag ng senador.

Sa ilalim ng panukala ni Go, ang pandarambong o ang iligal na pagkuha ng yaman ng isang pampublikong opisyal na may kabuuang halaga na hindi bababa sa PhP50 milyon ay mapaparusahan ng kamatayan.

Ang mga krimeng may kinalaman sa droga ay sasailalim din sa parusang kamatayan. Ang mga ito ay partikular na tumutukoy sa pag-aangkat, pamamahagi at pagkakaroon ng mga mapanganib na gamot o mahahalagang kemikal; ang pagpapanatili ng mga lungga para sa mga kaugnay na aktibidad; ang pagtatanim ng mga ipinagbabawal na halamang narkotiko; ang labag sa batas na pagrereseta ng mga mapanganib na gamot; ang maling paggamit ng mga nakumpiskang droga ng mga pampublikong opisyal; at ang pagtatanim ng ebidensya.

Nanindigan si Go na ang kampanya ng Duterte administration laban sa katiwalian, iligal na droga at krimen ay nagpabuti sa kapayapaan at kaayusan sa bansa at nagbigay-daan sa mga komunidad at negosyo na umunlad.

“So, ako naman po, napatunayan naman po in the last six years, tingnan ninyo mas nakakalakad po ang inyong mga anak pauwi sa inyong bahay na hindi nababastos at hindi nasasaktan. Dahil po iyan sa ginawa ng Administrasyong Duterte,” ani Go.

Ayon sa ulat ng Real Numbers ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Marso 2022, may kabuuang 14,888 high-value target ang naaresto mula nang magsimula ang drug war noong Hulyo 2016. Nasamsam din ng mga awtoridad ang iligal na droga na nagkakahalagang P88.83 bilyon sa buong bansa, kabilang ang P76.17 bilyong shabu.

Sa kabila ng mga tagumpay na ito, pinayuhan ni Go ang gobyerno na huwag magpahinga sa kanilang tagumpay at pag-ibayuhin ang kampanya laban sa mga “sakit ng lipunan” na ito at idinagdag na patuloy niyang isusulong ang panukala sa Senado.

“Ako, ipu-push ko pa rin. Pipilitin ko pa rin. Pero ang tanong ay kung susuportahan ng 23 na iba pang senador sa susunod na Kongreso,” ani Go.

AUTHOR PROFILE