Default Thumbnail

Bong Go, 100% sa VP race

October 26, 2021 People's Journal 333 views

Substitution guni-guni lang

IBINASURA ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga guni-guni o haka-haka na magbibigay-daan siya sa isang kandidato para sa 2022 national elections, kasabay ng pagdidiing tuloy-tuloy na ang kanyang desisyong pagtakbo sa pagkabise-presidente ng bansa sa darating na halalan.

Sa panayam matapos pangunahan ang pagbubukas ng ika-145 Malasakit Center sa Philippine National Police General Hospital sa Quezon City kamakalawa ay tinanong ng mga mamamahayag si Go kung posible pang mangyari ang “substitution” o pagbibigay-daan niya para sa isang kandidato.

Bagama’t sinabi ng senador na ang nasabing paksa ay isang bagay para sa kanyang partidong PDP-Laban upang ito ay linawin, idiniin ni Go na siya ay 100 porsyento nang nakatuon sa pagtakbo sa pagkabise-presidente.

“Mayro’n po akong partido. So, ibig sabihin, hindi po ako makakadesisyon ng ako lang… hindi na nga tumakbo si Pangulong Duterte and it was the party’s decision na tumakbo po ako bilang Bise Presidente. At desisyon po ‘yon ni Pangulong Rodrigo Duterte at iginagalang ko po ‘yon that is why I accepted the challenge,” ani Go.

“So, depende na po ‘yon sa partido. Ako naman po ay 100 percent na po akong tatakbo… isa po akong public servant at ako po’y (nag-file na ng candidacy),” idinagdag niya.

Nauna nang sinabi ng senador na ang planong pagreretiro ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulitika ang nag-udyok sa kanya na tanggapin ang hamon sa pagkabise-presidente.

Aniya, nakahanda na ang PDP-Laban para sa halalan ay may isa aniyang kinakailangang humakbang para sa partido at sa buong administrasyon upang maipagpatuloy ang mga programa nito at positibong pagbabago na sinimulan ni Pangulong Duterte.

Nang tanungin ukol sa hiwalay na pakikipagpulong ni Mayor Sara Duterte kina presidential aspirants Bongbong Marcos at Sen. Ronald Dela Rosa, sinabi ni Go na karapatan ng Presidential daughter at ng partidong Hugpong ng Pagbabago na makipag-usap kahit kanino para posibleng suporta na ibibigay sa kandidato.

“Prerogative naman po ‘yan ni Mayor Sara kung sino ‘yung gusto n’yang kausapin at nirerespeto natin ‘yon. That’s part of our democratic process at mayro’n po siyang partido. Kami rin po mayro’n din kaming partido, ‘yung PDP-Laban, at nirerespeto namin ang isa’t isa,” ani Go.

Sinabi ng senador na malaking bagay ang tulong na maibibigay ni Mayor Sara at ng Hugpong ng Pagbabago sa isang kandidato at bahagi ito ng demokratikong proseso.

Dati nang sinabi ni Go na kung magdedesisyon si Mayor Sara na tumakbo sa pagkapresidente ay ibibigay niya ang kanyang buong suporta.

Ngunit nagdesisyon si Mayopr Sara na manatiling Mayor ng Davao City at nirerespeto niya ito.

“Ginagalang ko po ang desisyon at pahayag ni Mayor Inday Sara Duterte at sabi ko naman po noon pa, noon pa from the very start kapag tumakbo po si Mayor Sara Duterte bilang pangulo, full support po ako at ikakampanya ko po. ‘Yon po ‘yung sinabi ko noon at pangako ko po ‘yan kay Mayor Inday Sara.”

“Hindi lang po kay Mayor Inday Sara, siyempre sa pamilya, malaking utang na loob ko po sa pamilya Duterte. So, kung tatakbo po siyang pangulo, full support po ako kay Mayor Inday Sara Duterte. Pero nirerespeto ko po ang kanyang desisyon na hindi po tumakbo bilang pangulo,” anang senador.

AUTHOR PROFILE