Bomba sumabog sa bus, 6 sugatan
ANIM katao ang nasugatan matapos na sumabog ang isang bomba sa loob ng isang pampasaherong bus nitong Lunes ng tanghali sa Isulan, Sultan Kudarat.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 12:20 ng tanghali sa terminal ng Husky tour bus sa bayan ng Isulan.
Ayon kay Lt. Col. Lino Capellan, spokesperson ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, ang double-decker bus ay nakaparada sa terminal ng biglang may sumabog sa loob nito.
Napinsala ang gitnang bahagi ng bus dahil sa pagsabog sa lower deck nito.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan na ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
Galing umano ang bus sa Cotabato city at patungo sana sa General Santos City nang sumabog ang bomba.
Bago ang insidente, sinabi ni Capellan na nakatanggap ang police intelligence community ng impormasyon hinggil sa umano’y balak ng ilang grupo ng magsagawa ng “bomb attack” diumano sa probinsya.
Matatandaang noong Nobyembre 2022, pinasabog ng hindi pa nakikilalang suspek ang Yellow Bus Line Inc. sa Tacurong City, Sultan Kudarat na nagresulta sa pagkasawi ng isang tao at ang pagkasugat ng may 12 iba pa.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 12, nakatanggap ang Yellow Bus Line ng “extortion demand” mula sa Islamic State-inspired Dawlah Islamiyah (DI) bago ang pagsabog.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.