
Bomb threat sa Dela Salle-Araneta!
PINAWI ng pulisya ang takot ng mga guro at estudyante ng Dela Salle Araneta University matapos ideklarang negative sa anumang bomba ang paaralan noong Lunes, Hunyo 26.
Ang officer-in-charge ng Tourism and Hospitality Management (THM) ng naturang pamantasan sa Malabon City ang nakatanggap ng bomb threat.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Follow-Up Unit, Police Sub-Station 1 at Station Explosive Canine Unit (SECU) upang magsagawa ng puspusang pagsusuri sa loob at paligid ng pamantasan kaugnay sa natanggap na mensahe na ipinadala sa pamamagitan ng g-mail account ng isang “buenviajealonzo.”
Sa ulat na isinumite nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Ernie Baroy kay Col. Daro, dalawang ulit nagbabala sa e-mail ng OIC ng THM noong Lunes dakong alas-6 15 ng umaga at alas-5:45 ng hapon na magkakaroon ng malakas na pagsabog sa paaralan kapag itinuloy ang educational tour ng mga estudyante sa Crimson at Okada.
Nakasaad sa email warning na marami umanong estudyante na hindi kayang magbayad sa tour kaya may malakas na pagsabog na magaganap.
“Nakabantay na sila sa schedule ng hotel na pupuntahan ninyo kaya nagbibigay na ako ng babala sa inyo.
Hindi ko na kasalanan kapag maraming bata ang nasawi dahil sa tour. Mabuting magdagdag ng seguridad ang paaralan dahil akin ding natimbrehan na kapag ang tour ay naaprobahan mayroon din gaganapin na pagsabog sa eskwelahan,” nakasaad sa mensahe.
Nakapag-report lamang ang pamunuan ng naturang paaralan Martes ng dakong alas-9:50 kaya’t noon din ay pinakilos ni Col. Daro ang kanyang mga tauhan.
Matapos ang masusing pagsusuri, ideklara na malinis at walang anumang nakitang bakas na posibleng pagmulan ng pagsabog ang loob at labas ng Dela Salle-Araneta University sa Victoria Avenue, Brgy. Potrero bago mag-ala-1 ng hapon.