Default Thumbnail

Bolero si mayor!

June 23, 2021 Allan L. Encarnacion 814 views

Allan EncarnacionMAY mga kaibigan ako na ang tingin sa kanyang mga kaibigan ay botante rin na puwedeng bolahin at lokohin.

Minsan, kahit alam mong niloloko lang niya ang mga kausap niyang kababayan, hindi na lang kumikibo. Naghihintay ka rin ng mga pagkakataong baka naman nagsasabi siya ng totoo.

Itong kaibigan na tinutukoy ko ay alkalde. Nagpatulong ito sa akin noong unang takbo dahil walang naniniwala sa kanyang media. Konsehal pa lang ito ay kaibigan ko na kaya nang lumapit sa atin para magpatulong, hindi naman tayo nakaatras.

Nanalo naman si alkalde sa unang termino, hanggang makatatlong termino.Pero bago pa matapos ang kanyang last termi, kailangan ko nang humiwalay sa kanya. Ang dahilan, kasama pala ako sa nabola.

Ang original na usapan, matapos ang tatlong termino, may ibang kakandidatong alkalde. Ang eendorso niya ay iyong isa naming kaibigan na incumbent congressman. Pero nararamdaman ko nang hindi tutupad sa usapan kasi sinisiraan na iyong kongresista at may mga operation na huwag papormahin si kongresman.

Kaya naman pala, iyong anak ang gustong patakbuhin na isa ring kongresista. Nang malaman ko na wala palang isang salita si alkalde, hindi na ako nagpakita sa kanila, hindi na rin ako nakipag-communicate kahit sino sa kanilang grupo. Walang lingun-lingon, walang sabi-sabi, ayawan na, ika nga!

May mga emisaryo sila na kinukumbinsi akong bumalik ako sa kanilang grupo. Ang masakit, iyong mga tumawag sa akin, sinabihan pa akong hindi ko dapat seryosohin ang pangakong pulitiko. Ganoon sila mag-isip, kahit sarili pala nila, niloloko nila!

Ang problema nila, totoo akong kausap mula’t mula at pinanghahawakan ko ang napag-usapang pagkatapos ng termino, iba naman ang kandidato sa 2022, hindi kapamilya!

Ang gusto palang mangyari ni alkalde, si anak na kongresman ang maging mayor sa 2022, ang anak na konsehal ang susunod kapag natapos ang termino. Ibig sabihin, may panibagong biktima na naman ng kanilang pambobola.

Iyon kasing kinuhang bise-alkalde ng anak para sa 2022 election ay pinangakuan na rin na siya ang susunod na alkalde kapag natapos ang termino sa 2031. Iyon ay kung mananalo!

Naniwala ka namang tutupad ang mag-anak na gustong patituluhan ang buong lungsod sa kanilang buong angkan? Nakalimutan ni alkalde na ang lahat ng mag-anak na nagbalak ng ganyan sa lungsod ay wasak na ngayon, iyong iba, mas mahirap pa sa daga! Alam naman natin ang batas ng karma, digital na ngayon!

Kapag nagkataon, babalik ulit si alkalde sa dati niyang ikinabubuhay, ang magpa-tong its sa kanilang bahay!

Siyanga pala, pati sa mga congressional district, kumuha rin ng dalawang kandidato sa mayor, isang lantad na susuportahan at isang patago na sinusuportahan. Pareho rin niyang pinapangakuan ang dalawang kandidato na “siya” lang, meaning, isa lang ang kanyang kandidato! Hindi ba bolero talaga?

Hindi ko alam kung bakit nasa dugo ng ibang pulitiko ang pagiging manlokolo. Sa kagustuhang manatili sa posisyon ang buong pamilya, lahat gagawin kahit isuka ng kanyang mga kasama.

Ang balita natin, iyong apo ni mayor na grade one pa lang ngayon ay hinahasa nang maging alkalde sa 2040 kasi tinuturuan na ring lokohin ang mga kaklase.

Mag-ingat sa mag-anak na sinungaling!

[email protected]

Opinion

SHOW ALL

Calendar