Default Thumbnail

‘Bogus’ na inspektor ng Manila Bureau of Permits tiklo

October 20, 2022 Edd Reyes 247 views

KINALAWIT ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang 64-anyos na lalaking nagpapanggap umano na inspector ng Manila Bureau of Permits at nambibiktima ng mga may-ari ng negosyo sa Maynila matapos matunton Huwebes ng umaga sa Pasay City.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Metropolitan Trial Court (MTC) Pairing Judge Paul A. Flor ng Branch 19, dinakip ng mga tauhan ni P/Maj. Edward Samonte, hepe ng SMaRT, sa pangunguna nina P/Maj. Emmark Dave Apostol at P/Lt. Edgar Julian, kasama ang mga tauhan ng Warrant and Intelligence personnel ng Raxabago Police Station 1 ang suspek sa kanyang tinutuluyang bahay sa Barangay 105 Zone 11 sa Pasay dakong alas-6:30 ng umaga.

Nahaharap si Roda sa tatlong magkakahiwalay na kasong estafa, dalawang bilang “falsification of public documents” at “usurpation of authority” sa naturang hukuman matapos siyang ireklamo ng kanyang mga nabiktima.

Sa ulat na ipinadala ni Samonte sa tanggapan ni Acting Manila Mayor Yul Servo Nieto at Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre P. Dizon, nag-viral sa social media ang pagpapakilala ng akusado bilang “inspector” ng Manila Bureau of Permits at nambibiktima ng mga establisyimento sa Binondo, gamit ang pekeng ID na may pangalang “Albert Torres”.

Sinabi ni Samonte na lumabas sa kanilang imbestigasyon na may mga nakabimbin pang reklamo ng estafa/swindling at falsification of public documents ang suspek na kanyang paulit-ulit na ginagawa upang makakuha ng salapi sa ilang mga negosyante sa Maynila.

Pansamantalang nakapiit sa detention cell ng tanggapan ng SMaRT sa Manila City Hall ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na “commitment order” ng hukom matapos na maibalik sa Branch 19 ng MTC ang inilabas na arrest warrant.

AUTHOR PROFILE