Bodegero huli sa ‘rape’

February 3, 2022 Edd Reyes 171 views

INARESTO sa bisa ng warrant of arrest ang 37-anyos na bodegero bunga ng kinakaharap na kasong panggagahasa na naganap, may apat na taon na ang nakalilipas sa kanilang lalawigan sa Zamboanga Del Norte.

Hindi makapaniwala si Crisostomo Amotan, tubong Zamboanga Del Norte, na irereklamo siya ng 30-anyos na pinsang buo ng kanyang misis gayung kapwa umano nila ginusto ang pagkakaroon ng relasyon bunga ng pangungulila sa kani-kanilang asawa.

Sa panayam kay Amotan, sinabi niya na magkapitbahay lamang sila ng biktima sa kanilang bayan sa Sindangan, Zamboanga Del Norte at nabuo ang kanilang relasyon noong taong 2018 dahil bukod sa palagi niyang isinasakay sa ipinapasadang tricycle ang pinsan ng kanyang misis, madalas ay napagkukuwentuhan nila ang pangungulila sa kani-kanilang asawa na parehong nagtatrabaho sa Maynila.

Sa kabila ng pareho na silang may pananagutan sa buhay, niligawan pa rin aniya niya ang ginang hanggang sa umano’y mabuo na ang kanilang pag-iibigan na humantong sa kanilang pagtatalik noong buwan ng Enero hanggang Pebrero ng taong 2018.

Gayunman, nahuli aniya sila ng bilas ng ginang habang nagtatalik sa tabing ilog kung saan madalas silang magtagpo kaya’t isinumbong siya sa kanyang mga magulang na naging dahilan para siya ipadakip sa pulisya.

Pinawalan din aniya siya kinabukasan hanggang sa makarating na rin sa kaalaman ng kanyang misis ang pangyayari at dahil sa sobrang galit, binasag ang kanyang cellular phone pati na ang sim card kung saan naroon ang mga ebidensiyang palitan nila ng mensahe at larawan ng ginang na magagamit sana niya para patunayang may relasyon sila ng biktima at kapwa nila ginusto ang mga nangyaring pagtatalik.

Inakala aniya niya na hindi na itinuloy ang kaso laban sa kanya subalit nagulat na lamang siya nang arestuhin siya ng mga tauhan ng District Special Operation Unit ng Northern Police District (DSOU-NPD) sa pangunguna ni P/Ssg. Emmanuel “Niño” Carpio sa kanyang tinutuluyang tirahan sa Ortigas St. Baclaran, Pasay City noong Enero 22, 2022 sa bisa ng isang warrant of arrest.

Nito lamang araw ng Miyerkules, habang nakapiit sa custodial facility ng DSOU, isa pang warrant of arrest na inilabas na muli ni Judge Jose Rene Dondoyano ng Sindangan, Zamboanga Del Norte ang isinilbi ng mga tauhan ni Lt. Col. Jay Dimaandal laban kay Amotan para sa isa pang kasong panggagahasa na isinampa rin ng pinsan ng kanyang asawa.

AUTHOR PROFILE