Bodega ng sabon, toothpaste nasunog

April 26, 2022 Edd Reyes 58 views

TINUPOK ng apoy ang isang bodega ng sabon at toothpaste sa halos isang oras na sunog na naganap makaraan ng hatinggabi ng Martes sa Malabon City.

Sa ulat ng Malabon Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-12:56 ng madaling araw sa bodega ng Prime One Packing Design Corporation na pag-aari at pinangangasiwaan ng isang Alfred Gaw sa Mango Road, Bgy. Potrero.

Nakapagresponde naman ang mga bumbero ng Malabon BFP, pati na ang ilang mga fire volunteers kaya’t hindi na kumalat pa ang apoy sa mga katabing kabahayan sa lugar.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog makaraang ideklara na “under control” dakong ala-1:35 ng madaling araw bago tuluyang naapula ng ala-1:51 a.m.

Ayon kay Malabon BFP Arson investigator FO3 Jester Banglig, inaalam pa nila ang naging sanhi ng pagsiklab ng apoy na tumupok sa humigit-kumulang na P2 milyong piso.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog na napag-alamang ikalawa ng nangyari sa naturang bodega matapos madamay sa nasunog na katabing establisyemento noong taong 2020.

AUTHOR PROFILE