BoC, tumutulong sa administrasyon ni PBBM

July 17, 2022 Vic Reyes 93 views

Vic ReyesPATULOY at lalo pang pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang kampanya laban sa ismagling.

Kaya naman marami pa ring nasasakoteng kontrabando.

Dapat nga lang ay tiyakin na mahuhuli, makakasuhan at makukulong ang mga taong nasa likod ng ismagling ng iba’t-ibang produkto, kasama na ang mga sangkot na lingkod-bayan.

Kamakailan nga ay nakadiskubre ang mga tauhan ng BOC at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga puslit na produkto nagkakahalaga ng mahigit na P1.5 bilyon.

Ang mga kontrabando ay nakita sa isang bodega sa Valenzuela City na mayroon pang “hidden storage facility.”

Ang nakatagong storage facility ay naglalaman ng raw materials of cigarettes at tobacco filters.

Kasama sa anti-smuggling operations ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS) ng Manila International Container Port (MICP) at AFP.

Pinasok ng mga taga-BiC at AFP ang nasabing bodega sa Valenzuela City sa bisa ng isang Letter of Authority and Mission Order na inisyu ng Customs commissioner.

Kinandaduhan ng mga miyembro ng inspection team ang pasukan at labasan ng warehouse.

Karamihan sa kinumpiskang imported goods ay ang mga tinatawag na “Intellectual Property Rights-infringing products” na may tatak ng iba’t ibang brands.

Kasama rin sa nasakote ay construction materials, houseware, kitchenware, household appliances at consumer electronics lighting products.

Dito natin makikita kung gaano ka seryoso ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs sa pamumuno ni Commissioner Rey Guerrero sa pagsugpo ng ismagling upang makatulong sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos.

***

Magbubukas na ang schoolyear (SY) 2022-23 sa Agosto 22, ayon kay Vice President Sara Duterte-Carpio, na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd).

Mula Agosto 22 hanggang Oktubre 31 ay face-to-face (F2F) at distance learning ang gagamitin sa mga paaralan sa buong bansa.

Pero pagdating ng Nobyembre 2 ay balik na tayo sa full face-to-face classes.

Kaya meron pa tayong mahigit tatlong buwan para paghandaan ang pagbabalik ng in-person classes.

Kailangang linisin ang mga kwarto at kapaligiran ng mga paaralan upang masiguro ang “health and safety” ng mga mag-aaral, titser at non-teaching personnel ng mga eskuwelahan.

Alam naman natin na nandyan pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at iba pang nakamamatay na sakit na kagaya ng dengue at leptospirosis, na usong-uso kapag tag-ulan.

Hindi natin puwedeng ipagsapalaran ang kaligtasan ng mga bata at titser.

Oo nga’t kailangang matutong maige ang mga bata, pero hindi naman maaring isakripisyo ang kanilang kaligtasan habang nasa loob sila ng paaralan.

Sa hirap ng buhay ay isang trahedya sa isang mahirap na pamilya kung may ma-oospital sa kanila.

Hindi ba, Pangulong Marcos at Education Secretary Duterte-Carpio?

***

Sana mag-usap na ang Malakanyang at Kongreso para pagpasiyahan kung matutuloy o hindi ang nakatakdang barangay at SK elections sa Disyembre 5.

Ito ay para matapos na ang mga maiinit na diskusyon tungkol sa mahalagang isyu na ito.

Mabuti na ring manahimik na ang taumbayan na excited na sa kagustuhang masipa na ang mga dapat maalis na mga opisyal ng kani-kanilang barangay.

Kung hindi naman matutuloy ay makapag-concentrate na sa trabaho ang mga opisyal at kawani ng barangay na kinakabahan din baka nga matuloy ang halalan.

Siyempre, ang takot na takot sa eleksyon ay ang mga abusado, tamad at iba pang walang kwentang lingkod-bayan sa mga barangay sa buong bansa.

Sa totoo lang, kung isa kang karapat-dapat na opisyal ay wala kang dapat na ikatakot na humarap sa mga botante dahil walang maipipintas ang mga botante pagdating ng eleksyon.

Ang problema lang kasi, marami tayong kababayan na walang iniisip kundi kung paano kumita tuwing halalan. Ito iyong mga nagbebenta ng boto sa highest bidder.

Ito ang dahilan kung bakit hindi maalis-alis ang korapsyon sa mga opisina ng gobyerno.

Sa tulong kasi ng ibang tiwaling opisyal ng barangay, patuloy na nakapamimili ng boto at nananalo ang mga tarantadong politiko.

Buwisit!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE