Default Thumbnail

BoC, tiwalang makakamit ang 2023 collection target

February 5, 2023 Vic Reyes 498 views

Vic ReyesNGAYONG bukas na ang ating ekonomiya, marami ang naniniwala na makakamit ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang napakalaking revenue collection sa taong ito.

Sa buong taon ng 2023, na ayon sa Chinese calendar ay “Year of the Rabbit,” ay kailangang makakolekta ang ahensya ng P901.3 bilyong buwis, taripa at iba pang bayarin.

Mahirap pero hindi imposibleng misyon ito ng BoC, na pinamumunuan ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ayon sa mga stakeholder at beteranong waterfront observer.

Noon ngang nakaraang buwan, Enero, ang total na koleksyon ng ahensya, na nasa ilalim ng Department of Finance (DoF), ay umabot ng P70.327 bilyon.

Ito ay lampas ng P7.415 bilyon kumpara sa target collection nitong P62.9 bilyon sa buwan ng Enero 2023.

Sa isang pahayag, sinabi ng BoC na nagsagawa ito ng “36 apprehensions and seized shipments na umabot ng P908.137 million worth of various commodities in violation of the CMTA.”

Ang mga nakumpiskang goods ay kinabibilangan ng mga produktong agrikultura (P794.46 milyon).

Sa tingin natin ay all-out ang suporta ng lahat ng collection districts ng BoC sa kampanya ni Pangulong Bongbong Marcos laban sa ismagling ng agricultural products.

Sa totoo lang, hanggang sa ngayon ay ayaw pang bitiwan ni Pangulong Marcos ang pamumuno niya sa Department of Agriculture (DA).

Ang gusto niya ay mai-ayos niya muna ang mga dapat ayusin sa departamento

Tama naman ang nag-iisang anak na lalake nina yumaong Presidente Ferdinand E. Marcos at dating First Lady at Metro Manila Gov. Imelda R. Marcos.

Apo Bongbong, huwag niyo na munang bitiwan ‘yang DA!

****

Noong 2022 ay nakakumpiska ang Port of Davao ng P245 million worth ng mga produktong pinaniniwalaang pumasok sa bansa ng walang “proper customs clearance.”

Ang bulto ng mga nakumpiskang goods ay mga produktong petrolyo (P116.9 milyon) at sigarilyo (P110.1 milyon).

Meron ding nasakoteng motor vehicles at spare parts (P15.6 milyon), produktong agrikultra (P1.3 milyon) at iba pang commodities (P1.2 milyon).

Sinabi ni Port of Davao District Collector Erastus Sandino B. Austria na naging matagumpay ang kampanya ng gobyerno, sa pamamagitan ng BoC, laban sa ismagling.

Ito ay dahil sa magandang working relationship ng BoC sa security and intelligence agencies.

Pinasalamatan din ni Collector Austria ang Philippine Army’s Task Force Davao dahil sa kanilang patuloy na suporta sa mga proyekto at inisyatibo ng Port of Davao.

Lalo pang pinaigting ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang pagbaka laban sa katiwalian bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Marcos na sugpuin na ang iligal na pagpasok sa bansa ng mga produkto.

Lalo na ang ismagling ng mga produktong agrikultura, na kagaya ng sibuyas at asukal, at ipinagbabawal na gamot kagaya ng shabu, ecstasy at kush marijuana.

***

Ang overseas employment program ay malaki ang naitutulong sa gobyerno para mabigyan ng trabaho ang marami nating kababayan, kasama na ang mga babae.

Pero nakalulungkot naman na may mga kababayan tayo na kadalasan ay mga babaeng domestic helper, na inaabuso ng kanilang mga dayuhang amo.

At ang iba ay umuuwing nasa kabaong na dahil hinalay at pinatay pa kagaya ng nangyari sa isang 35-year-old na ginang na nagtatrabaho sa bansang Kuwait.

Nahuli nga ang salarin, na anak ng kanyang amo, pero hindi na maibabalik ang buhay ng kababayan.

Kaya panahon na siguro para pag-aralan natin muli ang pagbawal sa deployment ng female domestic helpers sa labas ng bansa, lalo na sa mga lugar na maraming naaabusong OFW.

Ihanap na lang natin ng ibang trabaho dito sa bansa ang mga babaeng gustong magtrabaho.

Sila kasi ang madalas abusuhin ng mga foreign employers, ayon sa statistics.

Ano ang say niyo, Secretary Susan “Toots” Ople ng Department of Migrant Workers?

(Para sa inyong komenyo at suhestiyon, tumawag o mag text sa #0917-8624484/email:[email protected]. ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE