Bureau of Customs

BoC ‘tax collector’ at ‘smuggler hunter’

April 24, 2022 Vic Reyes 95 views

Vic ReyesMARAMI ang nagtatanong kung bakit wala pa raw nakukulong na ismagler samantalang patapos na ang administrasyong Duterte sa darating na Hunyo 30?

Kagaya ng mga pulis at iba pang law enforcement officers, ang trabaho ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) ay manghuli ng mga ismagler at kontrabando.

Isinasampa ng BOC, na pinamumunuan ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, sa korte ang mga kaso laban sa mga pinaghihinalaang ismagler.

Sa Pilipinas, bahala na ang mga hukom na magdesisyon kung may kasalanan o wala ang mga suspek.

Hindi naman puwedeng ang mga taga-BOC ang pulis, piskal at huwes. Sa isang demokrasya, kanya-kanya ang trabaho ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ang masakit na katotohanan, mga kaibigan, ay kayang-kayang kumuha ng mga magagaling na abogado ang mga ismagler dahil sa laki ng kinikita nila.

Sa kabila nito ay patuloy pa ring hinahabol nina Commissioner Guerrero, ang mga ismagler at ang mga kasabwat nila sa gobyerno.

Nito nga lang unang tatlong buwan ng taon ay nagsampa ang BOC ng 30 kaso laban sa mga pinaghihinalaang ismagler at “unscrupulous customs brokers.”

Ayon sa ahensya, 24 criminal charges ang isinampa sa Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng programang Bureau’s Action Team Against Smuggling (BATAS).

Ang mga kasong kriminal na ito ay kinasasangkutan ng 73 individuals (importers, exporters at customs brokers).

Nagharap rin ang BOC ng anim na kasong administratibo sa Professional Reguilation Commission (PRC) laban sa mga erring licensed customs broker.

Sa isang pahayag, sinabi ng BOC, ang mga anti-smuggling cases ay kinabibilangan ng unlawful importation of cigarettes, agricultural products, motor vehicles, general merchandise at iba pang produkto.

Mula nang maupo si Pangulong Duterte noong kalagitnaan ng 2016 ay meron ng 450 anti-smuggling cases ang naihain ng BOC.

Pero kagaya ng nasabi natin, nasa mga korte na ang pagde-desisyon kung guilty o hindi ang mga suspek.

Ang mahalaga ay ginagampanang maigi ng BOC ang kanilang trabaho bilang “tax collector” at “smuggler hunter.”

***

Sa tingin natin ay nakapag-desisyon na ang mga botante kung sinu-sino ang kanilang iboboto sa Mayo 9.

Tunay na mahalaga ang darating na national at local elections dahil nakasalalay sa mga mananalong kandidato ang kinabukasan ng ating bansa at taumbayan.

Sana huwag nating ipagbili ang ating nag-iisang boto sa mga tiwaling kandidato.

Nandiyan naman sina ex-PNP chief Gen, Guillermo Lorenzo Eleazar, human rights lawyer Chel Diokno, journalist Raffy Tulfo at dating Senador JV Ejercito.

Kapos sa pondo ang mga ito pero makasisiguro kayo ng malinis, sinsero at tapat na public servants kung tutulungan natin sila pagdating ng araw ng halalan sa Mayo 9.

Huwag natin sayangin ang ating boto. Marami diyang mga politiko na nagkukunwaring mga tupa pero mga buwaya at buwitre pala sa tunay na buhay.

***

Dahil tag-araw na sa Pilipinas, maging alerto laban sa mga sakit na uso sa panahong ito.

At hindi tayo kailangang magpaka-kampante kahit na patuloy na bumababa ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

Lagi pa rin tayong magsuot ng maskara, maghugas ng kamay at sumunod sa social distancing policy ng gobyerno.

Pero ang pinakamahalaga ay magpa-bakuna tayo laban sa coronavirus disease para malayo tayo sa disgrasya. Wala naman bayad ito.

Huwag tayong gumaya sa ibang bansa na kung saan hirap na naman sila dahil sa pagsipa muli ng bilang ng mga nagkaka-COVID-19 dahil sa katigasan ng kanilang ulo.

Tandaan natin, “laging nasa huli ang pagsisisi.”

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag mo mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE