
BOC patuloy ang magandang revenue collection performance
KAILANGAN na lang na makakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P575.1 bilyon sa nalalabing pitong buwan ng taon para maabot ang kanilang 2023 revenue collection target.
Sa taong ito ay inatasan ng gobyerno ang BOC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio na taga-Batac City, Ilocos Norte, na kumolekta ng P921 bilyong buwis.
Ayon sa initial report ng BOC Financial Service, umabot na ng tumataginting na P359.1 bilyon ang revenue collection ng ahensya sa unang limang buwan ng kasalukuyang taon.
Nito lamang nakaraang buwan ng Mayo, nakakolekta ang ahensya ng P77.7 bilyong revenues. Ito ay lampas ng P5.4 bilyon sa target nitong koleksyon na P72.3 bilyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na patuloy ang magandang revenue collection performance ng ahensya dahil sa tinatawag nitong “strategic initiatives.”
Ang mga inisyatibong ito ay naaayon sa “Five-Point Priority Program” ng Ilocanong komisyuner ng BOC, isang graft-prone ahensya ng gobyerno nasyonal.
Ang mga anti-smuggling measure “curtailed” illicit activities na nagresulta naman sa pagkakumpiska ng mga kontrabandong nagkakahalaga ng mahigit na P19 bilyon.
Isa pa, ang “digitalization efforts have streamlined customs processes, enhanced trade operations and improved accuracy in import and export transactions.”
Nandiyan din ang “pro-active collaboration sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno na katuwang ng BOC.
Ito ay kinabibilangan ng Department of Information and Communication Technology (DICT), Department of Agriculture-Bureau of Plant Industry (DA-BPI), Department of Justice (DOJ) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Patuloy rin ang ginagawang pagsasanay sa mga BOC personnel para lalo silang maging produktibo.
Bago pa dumating ang mga tinatawag na “Ber Months” (September, October, November at December) ay inaasahang tataas pa ang revenue collection ng ahensya.
Magsisimula na rin kasi ang pagdagsa ng “Christmas items” na ipagbibili sa bansa pagdating ng napakahabang “holiday season’ sa Pilipinas.
Lalo pa’t bukas na ang ating ekonomiya bunga ng pagkakatanggal ng mga crippling coronavirus disease (COVID-19) restrictions.
****
Ibang -iba na ang panahon ngayon dahil sa lumalalang climate change.
Nagsimula na ang tag-ulan o “rainy season” sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Pero sobra pa rin ang nararamdaman nating init sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas.
Ang mga mahihirap, karamihan sa ating mga kababayan ay laging wala sa loob ng kanilang mga bahay.
Katulad ng iba na wala man lang electric fan sa bahay dahil sa kahirapan, lagi na lang silang nagkukumpulan sa silong ng mga punong kahoy pagkatapos ng pananghalian.
Ang iba ay nagpapalipas na lang ng oras sa mga fully-airconditioned shopping malls, kahit wala silang perang pang-meryenda man lang.
Ang maganda lang, nakahanda ang gobyerno para pangalagaan ang kalusugan ng taumbayan, lalong lalo na ang mga bata at matatanda sa buong bansa.
Sa panahon ng tag-ulan, nandiyan ang mga nakamamatay na dengue, leptospirosis at pagtatae.
Pero kailangang mag-ingat pa rin tayo sa mga common disease kapag tag-init dahil maalinsangan pa rin ang panahon kahit madalas na ang pag-ulan-ulan sa bansa.
***
Talaga namang “election crazy” ang mga Pilipino.
Wala ng pinag-uusapan sa mga umpukan sa buong Pilipinas kundi ang nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs) sa darating na Oktubre 30.
Ang problema, wala ng inatupag ng mga kakandidato kundi mangampanya kahit na malayo pa ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs).
Napakaaga naman nilang mangampanya gayung alam na naman ng mga botante kung sinu-sino ang kanilang mga ibobotong barangay chairman at kagawad.
Sa tingin natin ay hindi na sila dapat mangampanya dahil alam naman ng mga botante kung sino ang mga karapat-dapat na mananalo sa darating na twin-elections.
Sa barangay, lalo na sa mga probinsiya halos lahat ay magkakamag-anak ang mga residente at kilala ang bawat isa.
Alam kung sinu-sino ang mga loku-loko na hindi dapat manalo sa halalan.
Tama ba, Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government?
(Para sa inyong komento at subestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)